Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan nang pagpapakamatay ng isang construction worker at kasama nitong babae sa pamamagitan ng pagbigti sa loob ng isang barracks sa Paranaque City, kamakalawa.
Kinilala ang mga biktima na sina Mario Barredo, 22, ng Barangay San Gabriel, at Alexandra Esmundo, ng Bgy. Sta. Monica, kapwa sa San Pablo City, Laguna.
Lumalabas sa imbestigasyon na dakong 12:00 ng umaga nang matagpuan ang mga biktima sa loob ng isang construction barracks na matatagpuan sa Philip Extension 818 Multinational Village, Bgy. Moonwalk, Paranaque City.
Ayon sa pulisya, base sa salaysay ng saksi na si Ryan Canoog, 29, katrabaho ng mga biktima, lumabas umano siya ng kanyang barracks upang pagsabihan ang mga ito na tigilan ang malakas na pagpapatugtog dahil hindi siya makatulog.
Ani Canoog, kinatok umano niya ang pintuan ng barracks ng mga biktima ngunit walang tumugon kaya sinilip niya ang loob nito mula sa bintana. Nagulat na lamang umano siya nang makita ang dalawang biktima na nakabigti, dahilan upang agad niyang ipagbigay-alam sa kanilang foreman ang nangyari, na siyang humingi naman ng tulong sa barangay.
Nakuha naman ng Southern Police District- Scene of the Crime Operatives (SPD-SOCO) ang suicide note ng mga biktima na nakasulat sa isang booklet.
Mayroon din umanong nakasulat sa pader na nagsasabi na kagustuhan nila ang pagpapatiwakal.
-Jean Fernando