Dead on arrival sa pagamutan ang isang lalaki na miyembro umano ng Batang City Jail (BCJ) at  dati na umanong gumamit ng ilegal na droga, nang mabaril ng isang pulis matapos na manlaban habang inaaresto dahil pagala-gala sa Tondo, Manila habang may bitbit na baril, kamakalawa.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen Vicente Danao Jr. ang napatay na suspek na si Marlon Pawaan, 42, at residente ng 303 C. P. Garcia Street, Tondo.

Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang suspek ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor dahil sa tama ng dalawang bala sa braso at kanang bahagi ng katawan.

Lumilitaw sa ulat ni P/CMS Jonathan Bautista, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), na dakong 1:15 ng hapon nang maganap ang insidente sa tapat ng isang bahay na matatagpuan sa 370 Coral Street, Tondo.

National

Ex-Pres. Duterte, muling tinawag na ‘bangag’ si PBBM: ‘Maging ul*l si Marcos…’

Nauna rito, nakatanggap umano ng tawag ang mga tauhan ng Don Bosco Police Community Precinct (PCP) mula sa isang concerned citizen na isang lalaki ang pagala-gala sa San Roque Street, Tondo na may bitbit na baril.

Kaagad namang rumesponde si Borras at naabutan si Pawaan na inilalagay pa ang dalang baril sa hawak na sling bag.

Nilapitan umano ng pulis ang suspek at tinangkang arestuhin ngunit nagtatakbo ito.

Nang makorner sa Coral Street, dito na nagbunot ng baril ang suspek at aktong babarilin ang pulis, kaya’t napilitan itong bumunot din ng baril at magpaputok, na tumama sa braso ang suspek.

Sa halip namang sumuko dahil sugatan na ay nakipagpalitan pa umano ng putok ang suspek sa pulis, kaya’t muling gumanti ng putok ang parak, na nagresulta ng tama sa kanang bahagi ng kanyang katawan.

Kaagad namang isinugod ng pulis ang suspek sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay.

Narekober mula sa suspek ang isang kalibre .38 na Smith and Wesson.

Mismong ang ina naman ng suspek na si Rosalinda Pawaan ang nagsabi sa pulisya na may sampung taon nang gumamit ng ilegal na droga ang anak dahil sa naranasang depresyon simula nang mahiwalay sa asawang nagtaksil umano rito.

Sumailalim naman sa interogasyon at ballistic ang service firearm ni Borras bilang bahagi ng imbestigasyon sa insidente.

-Mary Ann Santiago