HINDI talaga nawawala ang ngiti namin sa tuwing nanonood kami ng The Voice Kids dahil ang cute ng mga bata sa blind audition, idagdag pa ang mga komento at banter nina Coach Lea Salonga, Sarah Geronimo at Bamboo.

Nasa season 4 na ang The Voice Kids at ni minsan ay hindi namin pinalampas panoorin ang nakaraang tatlong season. Nitong nakaraang Sabado at Linggo (Agosto 10-11) ay hindi namin napanood kaya sa iWant namin ito inabangan.

Nag-hello at nagpaunlak ng awitin ang dating Voice Kids alumna na si Kyle Echarri nitong Linggo para tulungang mag-decide si Angel na kumanta ng Sino Ang Baliw magdesisyon kung sinong coach ang pipiliin, siyempre panay ang bulong niya na si Coach Sarah ang piliin niya dahil full package na.

Kabilang kasi si Kyle sa Team Sarah noong Season 2 pero hindi naman niya naiuwi ang titulo dahil si Elha Nympha ng Team Bamboo ang nagwagi.

Tsika at Intriga

Mark Andrew Yulo, naniniwalang babalik sa kanila ang anak na si Carlos

Tanda namin na cute na cute kami noon kay Kyle dahil chubby pa siya, kaya nakagugulat na ang laki na ng ipinagbago niya ngayon dahil mas lalo siyang gumwapo at totoo ang sabi niya, full package dahil bukod sa mahusay na singer ang binatilyo ay magaling din siyang artista na ngayon ay kabilang sa Kadenang Ginto Gold Squad.

Napahanga ni Kyle sina Coach Lea, Sarah at Bamboo sa bersyon niya ng awiting Ako’y Sa ‘Yo At Ika’y Akin Lamang na orihinal ng IAxe na kinanta rin ng Full Circle, at nina Jay R at Daniel Padilla.

Oo nga ang ganda ng pagkakaawit ni Kyle, ang suwabe at pati mga kulot ay magandang pakinggan.

Nagtagumpay naman si Kyle dahil pinili nga ni Angel si coach Sarah dahil matagal na raw niyang idolo ang aktres at naniniwala siyang malaki ang maitutulong nito sa grand finals.

“Good job, that was a good sell, dude,” sabi naman ni Bamboo kay Kyle.

Anyway, para sa mga hindi nakapanood ng The Voice Kids episode nitong Sabado at Linggo, maaaring mapanood ito sa iWant anumang oras.

-REGGEE BONOAN