TINAMAAN na ng kampanya ni United States President Donald Trump laban sa mga imigrante sa Amerika ang mga Pilipino. Inakala natin na ang unang mapapalabas ng bansa ay ang mga nakapasok lamang at ‘overstayed’ na kilala bilang mga TNT—o “tago nang tago.” Sa halip, tinamaan rin ng administrasyong Trump ang mga anak ng mga Pilipinong beterano ng World War II (WWII) na naghihintay na makasama ang kanilang mga magulang sa Amerika.
Inanunsiyo ng US Citizenship and Immigration Services (USCIS) nitong nakaraang linggo na ititigil na nito ang Filipino World War II Veterans Parole Program na nagsimula noong Mayo 9, 2016, na nagpapahintulot sa ilang mga miyembro ng mga beteranong Pilipino na ngayon ay nasa US na makapasok ng bansa habang hinihintay ang kanilang immigration visa. Noong Marso 2017, nakatanggap ang USCIS ng 361 aplikasyon, nag-apruba ng 52, at tinanggihan ang nasa 33, habang ang natitira ay naka-pending. Maaasahan natin na mas marami pa ang naghain mula noon.
Ang “parole” ay isang pagkakataon na solusyon upang makapunta ng Amerika ang anak ng mga beterano at maalagaan ang mga matatanda nang beterano na naging mamamayan na ng US. Inaprubahan ang programa “in recognition of the extraordinary contributions and sacrifices of Filipino veterans who, before the policy change, had to wait decades to be reunited with their children,” ayon kay Marita Etcubanez ng Asian American World War II Veterans Advancing Justice, isa sa mga organisasyong nagsusulong ng programa.
Sinabi ni Sen. Mazie Hirono of Hawaii, na siyang nagsulong ng programa sa panahon ng administrasyong Obama, na bago ito nagsimula noong 2016, libu-libong beteranong Pilipino na naninirahan Amerika ang hindi na kasama ang kanilang mga pamilya na naninirahan sa Pilipinas dahil sa halos ilang dekada nang pagkaantala ng visa. Ang parole ay isang gawaing makatao, upang magkaroon ang mga matatanda nang beterano na ngayo’y nasa edad 90, na makasama ang kanilang mga anak sa kanilang mga natitirang panahon.
Maraming grupo ng mga Filipino-American ang nadismaya sa desisyon ng administrasyong Trump na itigil ang programa. Umapela ang mga lider ng Filipino-American community sa Amerika sa administrasyong Trump na bawiin ang desisyon nito na wakasan ang programa para sa mga pamilya ng mga Pilipinong beterano ng digmaan.
Mababa ang ating pag-asa at ekspektasyon na mangyayari ito sa gitna ng serye ng kontra-imigranteng polisiya at mga desisyon ng administrasyong Trump. Ngunit nananatili ito sa atin—para sa kapakanan ng mga Pilipinong beterano na nagkipaglaban kasama ng Amerika sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at piniling manirahan sa Amerika. Tulad ng pahayag ni Rey Robles, isang anak ng beterano ng WWII, aniya, iilan na lamang beterano ang nabubuhay sa kasalukuyan. Mainam sanang pinahintulutan ang programa na tumakbo “until the last veteran passes.”