NOONG tag-araw na napakainit at kulang ng tubig sa Angat Dam, nanalangin ang ating mga kababayan na sana’y umulan o dumating ang bagyo para magbuhos ng ulan. Maging ang mga miyembro ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay nakiusap sa mga mamamayan na usalin ang Oratio Imperata para maawa ang langit at biyayaan tayo ng ulan.
Sa pagsapit ng tag-ulan, umulan nga halos araw-araw. Bumaha sa maraming lugar ng ating bansa, kasama na sa Metro Manila. Nagka-tubig ang mga gripo ng maraming bahay, nakapaligo ang mga estudyante, kawani. Medyo tumaas ang antas ng tubig sa Angat Dam at La Mesa Dam. Masaya ang mga magbubukid, makapag-aaro na sila sa kabukiran at makapagtatanim ng palay.
Mahabaging langit, salamat po sa ulan. Pakiusap lang po, huwag naman sanang malalakas na ulan na nagpapabaha, huwag naman sanang malalaki at ga-bahay na alon na nagpapalubog sa mga bangka at kumikitil ng maraming buhay.
Sa Iloilo, lumubog ang tatlong bangka na ikinamatay (hindi ikinasawi) ng 31 katao noong Sabado. Sinabi ni Philippine Coast Guard Western Visayas District Commander Commodore Allan dela Vega na sa 92 pasahero at crew ng mga motorisadong bangka, 62 ang nailigtas at tatlo pa ang nawawala. Inaalam pa ang dahilan ng paglubog.
Ang aksidente sa dagat ay nangyari sa Iloilo-Guimaras Strait noong Sabado bunsod ng malakas na alon at ulan na dala ng habagat. Ang M/B Chi-Chi at M/B Keziah ay nagkabangga at lumubog nang hampasin ng malalakas na alon dahil sa monsoon winds o habagat.
Ang mga bangka, ayon sa report, ay galing sa Iloilo City patungong Guimaras nang sagasaan ng ga-bahay na mga alon sa Iloilo-Guimaras Strait. May tatlo lang crew sa M/Keziah nang maaksidente. Ang M/B Chi-Chi ay may apat na crew at 43 pasahero. Ang 11 ay namatay samantalang 35 ang nasagip.
Ang pangatlong bangka, ang M/B Jenny Vince, ay may lulang apat na crew, 40 pasahero. Ayon sa PCG, 10 ang namatay. Sinabi ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), bina-validate pa nila ang mga impormasyon kung ilan ang mga namatay mula sa ibang mga ahensiya, gaya ng PCG at Western Visayas police.
Laganap na ang sakit na dengue sa maraming parte ng Pilipinas. Libu-libo ang tinatamaan ng karamdamang ito na sanhi ng kagat ng isang uri ng lamok. Maituturing na ito bilang isang epidemya kapag hindi nakagawa ng solusyon ang gobyerno at kinauukulang mga ahensiya.
Sa ulat noong Lunes sa mga pahayagan, pakikinggan daw ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang rekomendasyon ng Department of Health tungkol sa panawagan na ibalik ang Dengvaxia vaccine program upang matugunan ang dengue outbreak sa Pinas. Tiyak aalma rito ang Public Attornys Office (PAO) at posibleng magtitili uli si PAO Chief Persida Acosta. Ano ang say mo presidential spokesman Salvador Panelo?
-Bert de Guzman