NANG idaos kamakailan ang ‘tila kauna-unahang pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), biglang sumagi sa aking utak ang mahigpit na pangangailangan upang palawakin ang kasapian ng naturang konseho. Ibig sabihin, hindi lamang mga opisyal ng Duterte Cabinet at mga lider ng Kongreso ang marapat maging miyembro ng LEDAC kundi maging ng ilan pang tauhan ng Hudikatura.
Maliban kung ang gayong kasapian o membership ng LEDAC ay taliwas sa prinsipyo ng tinatawag ng separation of powers, natitiyak ko na magiging makabuluhan at mabunga ang isasagawang pagpupulong; tatampukan ito ng ng matalinong pagtalakay sa makatuturang mga isyu tungo sa pagbalangkas ng makahulugang mga panukalang-batas na makabubuti sa mga kaunlarang pangkabuhayan at panlipunan.
Magugunita na ang LEDAC ay unang binuo, sa aking pagkakatanda, noong panahon ni Pangulong Fidel Ramos. Buwanang idinadaos ito sa Malacañang at dinadaluhan ito ng mga miyembro ng Gabinete o ng kanilang mga kinatawan, at ng mga Senador at Kongresista. Ang pagpupulong nito ang itinuturing na palihan o pandayan ng mga panukalang-batas na tatalakayin sa Kongreso; kabilang din sa mga paksa ang kontrobersyal na mga isyu na gumigiyagis sa bansa; mga problema na nangangailangan ng katanggap-tanggap na solusyon para sa kapakinabangan ng sambayanan.
Sa gayong sistema, ang mga bill – lalo na ang mga panukalang-batas ng administrasyon – ay mapag-uukulan ng masusi at matalinong pagtalakay. Sa partisipasyon ng Pangulo sa gayong balitaktakan, naniniwala ako na magiging mabilis at walang balakid ang pagsasabatas ng mga panukala; at maaaring maiwasan ang pag-iral ng kamandag, wika nga, ng presidential veto power.
Sa bahaging ito, hindi marahil kalabisang imungkahi na marapat ding imbitahan sa LEDAC ang mga miyembro ng Oposisyon upang lalong maging makatarungan at makabuluhan ang kanilang pagpupulong. Naniniwala ako na walang sinuman ang magiging hadlang o balakid sa pagbuo ng mga patakarang makabubuti sa bansa at sa mismong mga mamamayan.
Sa pagpapalawak ng kasapian ng LEDAC, lalong magiging kapani-paniwala na ang naturang konseho ay lalong maituturing na palihan o pandayan ng makabuluhang mga panukalang-batas.
-Celo Lagmay