Hinihikayat ng regional office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga local government units (LGUs) ng mga lugar na malapit sa baybayin ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon) na tumulong sa pagpapanatili ng mangrove rehabilitation program.
Sa isang panayam noong Martes kay Ann Hazel Javier, DENR Calabarzon Regional Strategic Communication and Initiatives Section (RSCIS), binigyan nito ng diin ang pangangailangan sa pag-agapay ng bawat isa para sa mangrove forest rehabilitation sa ilalim ng pangangasiwa ng DENR at iba pang mga katuwang nito.
Binanggit ni Javier ang pag-aaral na ginawa ni Senior Science Research Specialist Violy Gulapo ng DENR Ecosystems Research and Development Bureau (ERDB), kung saan natuklasan niya na mula pa noong 1918, ang kagubatan ng mga bakawan sa bansa ay labis ng nabawasan.
Ayon kay Gulapo, ipinakita sa kanilang pag-aaral na “from a total number of 500,000 hectares of mangrove forest in 1918, this has drastically gone down to only 117,000 hectares in 1995” ngunit bahagya na itong tumaas sa 257,362 ektarya noong 2011.
Dagdag pa nito, ang mangrove restoration ay maiuugnay sa coastal rehabilitation programs na ipinapatupad ng pamahalaan, non-government organizations (NGOs), at ng mga lokal na komunidad.
Aniya pa, bahagi ng mga aktibidad sa mangrove rehabilitation program ay ang malawakang tree planting ng DENR Calabarzon Conservation and Development Division sa Barangay Talisay sa Calatagan, Batangas.
Dagdag pa niya, inayudahan ng DENR regional office ang mahigit sa 60 boluntaryo mula sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Calaca, Batangas, DENR-ERDB, mga opisyal ng barangay at Samahan ng Nagkakaisang Mangingisda sa Barangay Talisay (SNMBT) para pagpapatuloy ng mangrove rehabilitation program.
Ang SNMBT ay isang organisasyon ng mga mangisngisda at mga residente sa Calatagan na lumahok sa pagpaparami ng mga bakawan bilang paggunita sa World Mangrove Day noong Hulyo 26 ngayon taon sa baybayin ng bayan.
Ipinahayag naman ni Rodrigo de Jesus, SNMBT president, ang kanilang buong suporta sa rehabilitation program, dahil mula pa noong 2007 ay regular nang ginagawa ng grupo ang pagtatanim ng bakawan.
Ayon pa sa DENR, nakapagtanim ng aabot sa 1,200 “Bakawang Lalaki” at “Bakawang Bato” sa isinagawang aktibidad.
“But celebrating World Mangrove Day is not only for observance, but rather a cause to restore the mangrove forests in our midst for their ecological benefits and a sustainable program to also help mitigate the effects of climate change,” ani Javier.
Pinuri naman ni Gulapo ang DENR regional office sa pamumuno ng mangrove rehabilitation program, kasabay ng pagpapaalala nito sa mga kaagapay ng DENR na alamin ang mangrove proper zoning.
“Likewise, we have to monitor the success rate of every planting activity,” ani Gulapo.
PNA