KINUMPIRMA ni Senator Bong Go ang pagnanais ni Presidente Duterte na mapanood ang Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup sa China.

Ayon kay Go, nais ng Pangulo na personal na maipadama sa Team Philippines ang suporta at ang nakatakdang biyahe nito sa Beijing para sa one-on-one meeting kay Chinese president Xi Jinping .

“Gustong-gusto ni Presidente Duterte na mapanood ang Gilas,” pahayag ni Go.

Inamin ni Go na mabigat ang laban ng Gilas sa torneo, ngunit nananatili ang pananalig niya sa talento ng Pinoy.

Pambansang Kamao Manny Pacquiao, nag-senti? Ilang netizens, todo-comfort!

“Hangga’t bilog ang bola, at parehong may kamay na gagamitin, kaya nating manalo,” pahayag ni Go, isang avid basketball fans.

“Sana nga manalo tayo sa Angolo, pati na sa Italy,” aniya.

Napangiti lamang si Go nang tanungin hingil sa naging pahayag ng Pangulong Duterte na hindi mananalo ang Gilas sa mas malalaking Italian squad.

“Talagang dehado tayo sa laki. Halos pantay pantay ang taas ng mga kalaban. Ang Italy puro matatangkad, pero may bilis naman ang Pinoy, baka doon makalamang tayo.

Hiniling ni Go sa sambayanan ang suporta at panalangin para matupad ang pangarap ng Pinoy na mangibabaw ang Team Philippines sa World stage at makalaro sa Olympics sa hinaharap.

“Long-term program ang kailangan. Kung makukuha natin yung iba pa nating Fil-foreign players na makatutulong bakit hindi,” ayon kay Go, basketball consultang ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP).