SABI ko na nga ba! May disgrasya uli sa PCSO. Mga suki, batid ninyo, noon ko pa pinuna ang nasabing tanggapan. Sinita ko ang polisiya na isinuko sa mga may prangkisa ng STL (Small Town Lottery) ang desisyon kung ilang porsiyento ang ibabahagi sa PCSO mula sa kanilang kabuuang kita. Ito, kahit hindi siniyasat magkano ba talaga ang kanilang suma-total na tubo sa mananayang Pilipino? Ibig sabihin, pinangakuan ang PCSO ng hinulaang kontribusyon, huwag lang matigil ang operasyon sa STL, parang tama ang usapan na lakihan ang iniluluwal sa PCSO. Kaya lamang, hindi alam ng huli (o baka ayaw alamin) kung magkano ang totoong kinikita ng mga STL operators. Anong numero ba ang pinag-uusapan natin para malaman ang hatian? Yan kasi ang dapat maging basehan sa partehan. Ang nakabalot na misteryo sa nasabing laro (aminin natin), noon at ngayon, ang naging frente ng jueteng.
Buhay na buhay ang jueteng sa ‘Pinas sa STL. Namamayagpag pa rin ang mga “anak ng jueteng” (swer-tres, masiao atbp.) sa kanilang pagbabalat-kayo. Mas madumi pa sa “dirty” ang pandaraya, pambubulsa, pagnanakaw sa nabansagang “loteng.” Bakit nagkaganyan wika ninyo? E, may buwanang pabaon mula sa mga operators, sa ilang opisyal ng PCSO. Tutol ang STL-loteng na mabulgar kung ilang bilyong piso ang kanilang kinikita? Mabibisto kasi ang katiwalian, at ang dambuhalang operasyon ng kaperahan na ipinamumudmod sa aktibong pulis, lokal at pambansang politiko para magbulag-bulagan, at maggayak pipi at bingi sa matinding korapsyon. Laon ko ng panukala, STL ibigay na sa mga lokal na pamahalaan. Kung payag sila, magsosyo ang PCSO at city hall, PCSO at kapitolyo sa STL. Dagdag kita sa lokal na pamhalaan ang nabanggit na pondo. Magpasa rin ng batas, na ilalaan ang pera sa tukoy na serbisyo, sa “Local Social Development at Amelioration Fund”. Halimbawa, libre gamot, konsultasyon, operasyon, pagbili ng gamit—dialysis machines, x-ray, mobile clinics at iba pa. pagtayo ng dagdag na ospital, nurses at doktor, clinic sa barangay at iba pa. Lokal ang STL, kaya lokal din ang makikinabang. Binabalik lang natin ang benepisyo. Pamahalaang lokal na rin ang tatanod sa STL dahil kita na nila ito. Siyempre, ayaw nila na maisahan.
-Erik Espina