Nasa 31 katao ang kabuuang nasawi sa paglubog ng tatlong ferry boat sa pagitan ng Iloilo at Guimars Strait, kamakailan.

SURVIVORS2

Ito ang kinumpirma ni Donna Magno, hepe ng Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office.

Nagpasya silang ihayag na tapos na ang search and rescue operations nang marekober ang pang-31 at huling bangkay ng mga pasahero, nitong Martes ng hapon.

National

143 Pinoy, pinagkalooban ng pardon ng UAE – PBBM

Kaugnay nito, pinabayaan lamang umano ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga pasahero na ma-trap sa bangkang lumubog hanggang sa masawi ang mga ito, sa naganap na trahedya sa pagitan ng Iloilo-Guimaras Strait, kamakailan.

Ito ang pagbubunyag ng isa sa mga survivor na si Rocill Garcia Reaponso, 33, taga-San Lorenzo, Guimaras, na nagsabing masakit para sa kanya na makitang nakatingin lamang ang mga tauhan ng PCG sa bangka at hindi umano gumagawa ng hakbang upang masagip pa ang mga nalubog na pasahero.

Aniya, kabilang siya sa pasahero ng bangkang M/B Jenny Vince na lumubog sa loob lamang ng dalawang oras sa nasabing karagatan.

Ayon kay Reaponso, hindi inisip ng PCG personnel ang kanilang obligasyon na sumagip ng buhay dahil natakot umano ang mga ito sa malalaking alon.

Ikinuwento naman ng isa sa mga survivor na si Reynard Guisatao, 32, kung paano nila hinihila ang iba pang pasaherong nakulong sa loob ng M/B Jenny Vince, bago pa dumating ang mga tauhan ng PCG.

Tatlo lamang aniya sa mga tauhan ng PCG ang tumalon sa dagat upang tumulong sa kabila ng dami ng pasaherong lumubog.

Wala rin  anilang dalang kagamitan ang mga taga-PCG, katulad palakol o kutsilyo na gagamitin sana sa pagputol sa mga tarpaulin ng bangka upang makaligtas ang mga pasahero.

Sinabi pa ng dalawa na sa halip na tumulong, kinukunan lamang umano ng litrato at video ang nasabing bangka.

Nauna nang inihayag ng may-ari ng nasabing bangka na hindi sila pinapansin ng PCG personnel nang sabihan silang marami pang pasahero ang lumubog, kasama ng bangka.

Matatandaang lumubog ang tatlong bangka sa pagitan ng Iloilo at Guimaras Strait, nitong Agosto 3 ng hapon.