Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mangisda na lamang sa Pasig River ang mga corrupt na opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BoC) kapag inilipat ang mga ito sa Office of the President (OP).
Ito ang bahagi ng talumpati ng Pangulo nitong Martes ng gabi sa Malacañang.
Ito aniya ang kanyang gagawin kapag hindi nito matanggal ang aabot pa sa 100 na opisyal at empleyado ng nasabing ahensya na nadadawit sa kurapsyon.
Aniya, hindi pa rin siya titigil sa kanyang paglilinis sa BoC matapos niyang tanggalin ang 64 na opisyal at kawani ng ahensya, nitong nakalipas na buwan.
"Kaya 'yang Customs wala, 64 wala na. I am going after the 100. Ito lahat puro corrupt 'to. Tanggal 'yan, 64 of them tanggal talaga. May 100 pa ako tatanggalin,” pahayag nito.
Nauna nang lumabas ang ulat na mahihirapan si Duterte na sibakin ang mga nasabing opisyal dahil sa security of tenure.
"Magpalagay ako ng building diyan – gym. Diyan sila mag… Paupuin ko lang lahat. Hindi mo man matanggal, security of tenure. O sige ayaw mo? Plantilla ka, o assign ka Office of the President. Dito sa likod, itong likod lang nito. Pasig na man ‘yan. Lagyan mo lang ng… May makuha ka pang tilapia diyan pati ... Totoo, bilhin ko pa sa kanila,” paliwanag ni Duterte.
Nauna nang inatasan ng Pangulo si BoC Commissioner Rey Guerrero na i-promote lamang ang mga assistant section chief kung hindi corrupt.
"Sabi ko ‘yung next in rank ang ilagay mo, sabi ko kay Jagger. ‘Yung may assistant section chief man talaga, ‘di i-promote mo sila. ‘Yung deputy, ‘yung hindi corrupt," aniya.
Kaugnay nito, muling binalaan ni Duterte ang mga opisyal at tauhan ng ahensya na itigil na ang kurapsyon.
"Ganun talaga ako, wala akong magawa. Mapipilitan talaga ako. So sabi ko stop corruption, stop corruption.
"Ilang presidente na eh ayaw talaga ninyong huminto, gusto niyo brasuhan, eh ‘di brasuhan," idinagdag pa ng Pangulo.
-Argyll Cyrus B. Geducos