Ipinag-utos na ni General Oscar Albayalde, pinuno ng Philippine National Police (PNP), ang malalim na imbestigasyon hinggil sa operasyon ng isang Philippine-based website na ikinokonekta sa naganap na mass shooting sa Amerika, kung saan higit 20 ang nasawi.
Ang website umano na 8chan, na nagbabahagi ng mga racist posts at komentaryo, ay pag-aari at hawak ng isang Amerikano na higit isang dekada nang naninirahan sa Pilipinas.
“I already got information on this. I asked the ACG (PNP’s Anti-Cybercrime Group) to verify it already and monitor the website,” ani Albayalde.
Nitong Lunes, isang 21-anyos na gunman ang namaril sa sikat na Walwart sa El Paso, Texas, na kumitil sa buhay ng 22 katao. Napaulat na isang “white supremacist” ang salarin na nagpapahayag umano ng kanyang galit sa mga immigrants, partikular sa mga taga Latin America.
Habang siyam na katao naman ang nasawi sa isang kahiwalay na pamamaril sa Dayton, Ohio.
Maaari umanong ang website 8chan ang nagtulak sa mga salarin na isigawa ang mga pag-atake, dahil pinahihintulutan umano ng
site ang pagbabahagi ng mga racist na komento.
Bahagi umano ng beripikasyon ang pagtukoy sa mga technical details kung paano pinatatakbo ang website.
“It will depend on what we would see, of course on who are the connections. It’s really up on what we could dig there especially that it is traced to be here (Philippines),” paliwanag ni Albayalde.
“We have to conduct verification and intelligence buildup,” dagdag pa niya.
Umaasa naman si Albayalde na hindi mangyayari sa bansa ang katulad na pamamaril.
-Aaron Recuenco