MATIKAS ang ratsada ng Team Philippines, sa pagtataguyod ng Table Tennis Association of National Development (TATAND) sa katatapos na 1st Hornbill Cup International Table Tennis Championship sa Sarawak, Malaysia.
Ginapi ng Nationals – binubuo nina Alexis Bolante, Paul Que, Philip Uy at Charlie Lim – ang Sinten-Singapore, 3-2; Sarawak-Malaysia, 3-2 at WIB-Malaysia, 3-0, sa elimination round bago nabigo sa Xiom-Indonesia, 0-3.
Sa kabila nito, nakausad ang PH-TATAND Team sa quarterfinals kung saan nakaharap nila ang Sarawak Orange-Malaysia na nakaungos sa kabuhok na 2-3 desisyon.
“Kudos to our players. Talagang lumaban ng husto. Talagang breaks of the game lang ang naging desisyon,” pahayag ni Lim, tumayo ring team manager.
“Special mention also to Alexis (Bolante). Mahusay at matindi ang laro niya. He lost once during the elimination, laban sa Indonesia na naging overall champion” aniya.
Anim na bansa – Thailand, Myanmar, Singapore, Indonesia, Philippines at host Malaysia ang sumabak sa apat na araw na torneo. EDWIN ROLLON