Isinusulong na sa Senado ang isang panukalang batas nagpapahintulot sa mga aplikanteng ‘kulang sa taas’ na makapasok sa Philippine National Police (PNP) at sa dalawa pang law enforcement agency ng pamahalaan.
Sa Senate Bill 312 na inakda ni Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri, iginiit nito na dapat nang tanggapin sa PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga aplikanteng ‘kapos sa tangkad’ upang makapagsilbi sila sa pamahalaan.
Aniya, tinanggal na ng National Police Commission (Napolcom) ang height requirement sa kukuha ng PNP entrance exam, noong 2018.
“The requirement was scrapped solely for examination purposes and not for police recruitment,” sabi ng senador.
Hindi aniya ito tuluyang matanggal ng Napolcom dahil na rin sa nakasaad ito sa mandato ng Republic Act 6975 (Department of Interior and Local Government Act of 1990), ang batas na nagtatag ng PNP.
Ayon Section 30 ng RA 6975, dapat 1.62 meters o 5’4” ang taas ng mga aplikanteng lalaki sa PNP habang 1.57 meters naman o 5’ 2” sa kababaihan.
-Leone M. Abasola