Ipinakukulong ng Sandiganbayan si dating Nueva Ecija Governor Tomas Joson III at dalawa pang dating alkalde ng lalawigan kaugnay ng maanomalyang donasyon ng mga behikulo, noong 2007.

Ito ay matapos mapatunayan ng 7th Division ng anti-graft court na nagkasala ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Sa desisyon ng korte, makukulong ang dating gobernador ng aabot sa 20 taon, gayundin ang pamangking si Eduardo Basilio Joson, dating Quezon, Nueva Ecija mayor.

Aabot naman sa 10 taon ang ipinataw na parusa ng hukuman kay dating Bongabon Mayor Amelia Gamilla dahil sa single violation nito sa nasabing kaso.

National

Sa kalagitnaan ng pagkahimatay: Medialdea, si FPRRD pa rin iniisip

Bukod sa pagkakakulong, pinagbawalan na rin sila ng korte na magtrabaho sa pamahalaan.

Sa rekord ng kaso, nag-ugat ang kaso nang i-donate ng dating gobernador sa kanyang pamangkin (Eduardo) ang isang mobile clinic, isang Toyota Revo, isang Ford F150 at isang Nissan Urvan.

Nag-donate rin ito ng isang Nissan Terrano at isang Ford Expedition, at iba pang sasakyan, sa munisipyo ng Bongabon na tinanggap naman ni Gamilla.

Idinahilan ng hukuman, hindi sinunod ng dating gobernador ang Local Governent Code of 1991 (Republic Act 7160) sa pagbibigay nito ng donasyon.

Sa ilalim ng nasabing batas, binanggit na pinapayagan lamang ang naging hakbang ni Joson kung “unserviceable na ang mga ito at hindi na rin kailangan”.

"The records do not likewise disclose that there were inventories showing that the same were unserviceable for any cause or were no longer needed by the Provincial Government at the time the same were donated to the municipalities of Quezon and Bongabon," ayon pa sa korte.

-CZARINA NICOLE ONG KI