Natusta ang isang babaeng sinasabing may depirensiya sa pag-iisip nang ma-trap sa nasusunog nilang bahay habang natupok ang tinatayang P300,000 halaga ng ari-arian, sa isang residential area sa Pasay City, kaninang madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Julie Barrios, 32, isang special child, at residente sa 3rd Street, Barangay 183 Zone 20, Villamor, Pasay City.
Sa inisyal na ulat Fire Marshal Paul Pili, ng Pasay City, Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa loob ng bahay na pag-aari ni Julius Barrios sa nasabing lugar, dakong 5:03 ng madaling araw.
Mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng bahay ng pamilya Barrios hanggang sa madamay pa sa sunog ang dalawang katabing bahay.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at tuluyang naapula ito bandang 6:22 ng umaga.
Sa isinagawang mopping operation ng awtoridad, natagpuan ang sunog na bangkay ni Julie sa loob ng palikuran/comfort room ng kanilang bahay.
Sa pahayag ng kanyang kapatid na si Joseph Barrios, hindi na nagawang mailigtas ang kanyang kapatid dahil sa bilis ng pangyayari at pagkalat ng apoy sa kanilang bahay.
Ayon sa report, limang pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog at tinatayang P300,000 ang halaga ng mga naabong ari-arian, bukod pa rito ang napinsalang dalawang sasakyan sa insidente.
Posible umanong kuryente ang dahilan ng sunog bagamat patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang sanhi ng sunog sa lugar.
-Bella Gamotea