BAGO ianunsiyong si Zephanie Dimaranan ang nagwaging Idol Philippines grand winner sa grand finale ng kumpetisyon na ginanap, sa Resorts World Manila, nitong Linggo ng gabi, magaganda ang naging mensahe ng Idol Philippines judges na sina Regine Velasquez, Vice Ganda, James Reid at Moira dela Torre sa tatlong natirang Idol hopefuls na sina Zephanie, Lucas Garcia at Lance Busa.
Sa true lang, dalawa ang bet ni Yours Truly na maging first grand winner ng Idol PH, sina Zephanie at Lucas. Pero isa nga lang ang dapat tanghaling kampeon at si Zephanie ng Biñan Laguna ang nakasungkit ng titulo. Bukod sa talento sa pagkanta, may face value rin si Zephanie.
Wala ring itulak-kabigin ang mga hurado sa tatlong finalists dahil talaga namang gifted with good singing voice silang lahat, sa true lang.
Bago pa ipinarinig ni Zephanie ang kanyang unang awitin, ay nagbalik-tanaw muna siya sa kanyang naging journey sa Idol PH.
“No’ng una po ay hindi ko naisip na kaya ko. Sobrang dami ko na pong pinagdaanan na mga competition and mostly po noon, na-reject ako. Pero ‘yong mga napagdaanan ko po na ‘yon, ‘yong mga failures at mga rejections na ‘yon, ‘yun ‘yong naging reason kung bakit ako naging strong.
“Kung iko-compare ko po ‘yong sarili ko sa unang audition at sa ngayon, mas hindi na takot ‘yong Zephanie ngayon. Kahit ako po ‘yong pinakabata sa Idol PH, kaya ko pong maging inspiration at maging example sa mga kabataang tulad ko na may mga pangarap din na gustong maabot kasi naniniwala po ako na may tamang panahon sa bawat gusto nating makamit sa buhay natin.
“Kaya po sa performance ko ngayon, ibibigay ko po ang pinaka-best ko at buong puso ko pong patutunayan na karapat-dapat akong maging Idol Philippines.”
Well, ang huling sinabi niya ay natupad. Siya nga ang naging karapat-dapat na maging Idol Philippines first grand winner.
Ang daming nag-congratulate kay Zephanie, hindi lang ang apat na Idol PH judges, kundi halos lahat ng supporters niya maging sa social media. Trending din siya worldwide, huh.
Anyway, welcome to showbiz world, Zephanie!
-Mercy Lejarde