Patay ang isang mister nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang nagpapahinga sa labas ng kanilang tahanan sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City, kahapon ng gabi.
Dalawang tama ng bala sa mukha at isa sa kaliwang braso ang agarang ikinamatay ng biktimang si Renato Ocado, 41, residente ng Welfareville Compound, sa Barangay Addition Hills habang nakatakas naman ang ‘di kilalang salarin sa krimen.
Base sa ulat ng Mandaluyong City Police, dakong 10:50 ng gabi kasalukuyang nakaupo sa harapan ng tahanan ng kanilang kapitbahay si Ocado at nagpapahinga nang bigla na lamang sumulpot ang salarin at kaagad pinaputukan ang biktima.
Nang matiyak na patay na ang target, tumakas ang salarin bitbit ang armas na ginamit sa pagpatay.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin sa krimen at madakip ito.
-Mary Ann Santiago