Ni ANNIE ABAD

NASA mga kamay ng 46 voting member – kabilang ang ilang kontrobersyal na National Sports Association – ang kapalaran ng Philippine Sports sa gaganaping eleksiyon sa Philippine Olympic Committee ngayon sa Century Park Shraton Hotel sa Manila.

Sa kautusan ng International Olympic Committee (POC) ihahalal ng mga miyembro ang posisyon ng Presidente na nabakante matapos ang pagbibitiw ni Ricky Vargas ng boxing; Chairman, matapos bakantehin ni Cycling chief Abraham ‘Bambol’ Tolentino, at dalawang Board Member nang magbitiw din bunsod umano ng ‘delicadeza’ sina Clint Aranas ng archery at Cynthia Carrion ng gymnastics.

Philip Ella Juico at Abraham Tolentino (photo by Kristel Satumbaga)
Philip Ella Juico at Abraham Tolentino (photo by Kristel Satumbaga)

Mga Pagdiriwang

EXCLUSIVE: Pasukin ang ‘biggest toy and pop culture event’ sa bansa

Sa masalimuot na General Assembly sa nakalipas na buwan, nagbitiw din sa puwesto sina Joey Romasanta (1st vice president), Board member Joanne Go ng dragonboat at Julian Camacho ng wushu, ngunit kagyat din nila itong binawi.

Magtutuos sa liderato sina Tolentino at athletics chief Philip Ella ‘Popoy’ Juico.

Ito ang ikatlong halalan sa POC matapos mahalal si Jose ‘Pepiong’ Cojuangco sa ika-apat na sunod na pagkakataon noong Nobyembre 2016. Ngunit, sa kautusan ng Pasig regional Court kung saan kinatigan ang petisyon ni Vargas na illegal ang pagharang sa kanyang tumakbo, muling nagbotohan na ikinapanalo ni Varas noong Pebrero 2018.

Nitong Hunyo, nagdesisyon na magbitiw si Vargas nang tangkain siyang patalsikin ng Board – binubuo ng mga opisyal na malalapit kay Cojuangco.

Ngayon, ang labanan ay sa pagitan nina Tolentino at Juico na naging magkaribal din sa pamumuno sa noo’y nagkakagulong cycling association may ilang taon na ang nakalilipas.

“Let’s wait for the last lap once and for all and maybe, there will be a checkmate,” pahayag ni Tolentino, dati ring Secretary General ng Chess Association.

Umapela si Tolentino sa lahat ng mga pinuno ng national sports associations na maging matalino sa pagpili ng susunod na pinuno ng nasabing institusyon.

“I am calling on my fellow NSA heads to prioritize the POC’s future when they cast their votes.The POC is an institution that needs protection,” ayon sa nakababatang kapatid ni Senator Francis Tolentino. “I will wield a broom,” aniya patungko lsa pagwalis sa pulitika sa loob ng POC.

Umaasa naman si Juico na matatapos na ang gusot sa POC ngayong ang mayorya ang siyang magdedesisyon. Aniya, matapos ang election, nararapat na isentro ang lahat sa paghahanda sa hosting ng SEA Games sa Nobyembre.

“Kung sino sa amin ni Bambol ang manalo, tiyak trabaho kaagad sa POC. Ilang buwan na lang at Sea Games na. Hopefully, this exercise will ends all the controversy in the Olympic body,” sambit ni Juico, dating Chairman ng Philippine Sports Commission.