Himalang nabuhay ang walong anyos na Grade 2 pupil matapos umano itong bugbugin, gahasain, tangkaing patayin at isilid sa sako ng isang construction worker bago iniwan sa bakanteng lote sa Taguig City, nitong Lunes ng hapon.
Naka-confine ngayon sa Taguig Pateros District Hospital ang bata na itinago sa pangalang "Nene," Grade 2 student, ng Ibayo Tipas, Taguig City.
Agad din namang naaresto ang suspek na kinilalang si Sotero Manuguid Jr., 33, binata, construction worker, ng Ibayo Tipas, sa nasabing lungsod.
Sa ulat ni Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, naganap ang krimen sa isang bakanteng lote ng nasabing barangay at lungsod, dakong 3:00 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, papauwi na ang biktima sa kanilang bahay nang lapitan ito ng suspek at alukin ng P200 pesos kapalit ng pagsunod sa kanya.
Dahil dito, sinundan ng bata ang suspek hanggang sa makarating sa bakanteng lote, at inutusan umano na maghubad ang biktima subalit tumanggi ang bata.
Nagalit umano ang salarin at pinagsusuntok at sinakal ang biktima, saka pinagsamantalahan.
Inakala umano ng suspek na patay na ang bata kaya isinilid niya ito sa sako at iniwan sa lugar.
Himalang nabuhay ang biktima at nagsumbong sa kanyang ina kaugnay ng sinapit nito sa kamay ng suspek.
Mabilis na humingi ng tulong ang ina ng biktima sa mga barangay tanod at tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 5 na ikinaaresto ni Manuguid.
Base sa resulta ng medical examination, nakitaan ng senyales na pinagsamantalahan ang biktima na nagtamo rin ng mga pasa sa mukha at katawan.
Nakakulong na ang suspek, na nahaharap sa kasong statutory rape at frustrated homicide in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
-Bella Gamotea at Fer Taboy