Malaki ang posibilidad na umalagwa pa ang ekonomiya ng bansa sa mga susunod na taon, at tinatayang lolobo sa 9% hanggang 11% ang gross domestic product o GDP ng Pilipinas.
Ito ang kumpiyansang pagtaya ni Albay Rep. Joey Salceda, pinagbatayan ang mahahalagang repormang pang-ekonomiya at malalaking proyektong imprastruktura na ipinatutupad ngayon sa bansa.
Ayon kay Salceda, karaniwang sumisipa ang GDP sa pangatlong taon ng administrasyon, kung pagbabasehan ang nangyari sa panahon nina Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2004, at Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2013, bagamat kapwa nauntol ang pagsulong ng ekonomiya sa nasabing mga panahon dahil sa global financial crisis.
Ngayong 2019, inaasahang lolobo sa 9-11% ang GDP, mataas kaysa opisyal na taya, dahil sa malalaking proyektong imprastruktura ng administrasyongt Duterte—ang lahat ay alinsunod sa “Dutertenomics” na binalangkas at isinumite ng kongresista kay Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
“Iba ang panahon. Dahil sa political will at mabisang ugnayan ng Department of Finance, Department of Transportation, Department Public Works and Highways at Department of Trade and Industry, magsisibing behikulo ng malalaking pamumuhunan ang imprastrauktura, lalo na at ayaw na ng Pangulo ng derailed budget,” ani Salceda.
Kasama sa malalaking proyektong aabot sa P24 trilyon, na babandila sa pagsulong ng ekonomiya hanggang 2022, ang “Build, Build, Build”, na pinaglaanan ng P8.13 trilyon; Public-Private Partnership (PPP), P6.40 trillion; at Clark Development, P1.40 trilyon.
Dahil sa super majority ng administrasyon sa Kamara at Senado, inaasahan ding mas mapapabilis ang pag-aapruba sa mga policy reform bills, gaya ng Tax Reform for Attracting Better and Higher Quality Opportunities (TRABAHO), Public Service Act, Retail Trade Liberalization, Foreign Investments Act, Fiscal Regime for the Mining Industry, National Valuation of Service at Capital Income and Financial Taxes. Karamihan sa nasabing mga panukala ay inakda ni Salceda.
Sa mga proyektong imprastruktura, inaasahang makukumpleto bago sumapit ang 2022 ang Metro Subway, PNR South Rail, MRT 7, Clark-Tutuban Railways, at LRT Cavite extension.
Saklaw din ng “Build, Build, Build” ang P356.96-B Metro Manila Subway Project; PNR North 2 (Malolos-New Clark City Rail, P211.43B; PNR South Commuter Line (Tutuban-Calamba), P124.14B; PNR South Long Haul Project, P175.1B; Mindanao Rail, P35.275B; Bulacan Aeropolis, P735.64B; Bicol International Airport, P4.798B;
Davao International Airport, P48.873M; Laguindingan Int’l Airport, P42,748M; Bataan-Cavite Interlink Bridge, P170B; SLEX Toll Road 4, P13.1M, Quezon-Bicol Expressway, P87.296M; Piguiaman Bridge, P400M; Pangil Bay Bridge, P,375.34M; at maraming iba pa, ayon kay Salceda.