Pinaghahahanap na ng mga awtoridad ang lalaking gumawa ng kalaswaan sa dalawang babaeng nag-ja-jogging lang sana sa Iloilo City.
Ayon sa mga ulat, magkaibigan ang dalawang biktima na nag-ja-jogging sa gilid ng kalsada subalit naging iba raw ang kanilang karanasan nang madaanan nila ang isang lalaking umiihi sa gilid ng kaniyang sasakyan.
Sa pagdaan nila ay bigla na lamang umanong ibinalandra ng lalaki ang kaniyang ari sa dalawang babae.
Sinubukan pa raw nilang sawayin at sigawan ang lalaki subalit tumatawa lamang daw ito habang nilalaro ang kaniyang maselang bahagi ng katawan sa dalawang biktima.
Dahil sa patuloy na pambabastos sa kanila ng lalaki, doon na raw sila nagdesisyong kuhanan ng video ang lalaki. Matapos nito, tila doon na raw natakot ang lalaki at mabilis na sumakay sa kaniyang sasakyan at saka lumarga.
Matapos ang insidente, agad silang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad at sinubukang tuntunin ang kinaroroonan ng sasakyan ng lalaki. Subalit nang magtungo sila kung saan naispatang naka-park ang nasabing sasakyan ay iba na raw ang driver nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matunton ang nasabing lalaki. Ipinag-utos na rin nila ang pagroronda sa naturang lugar upang maiwasan pang maulit ang ganoong insidente.