Nadakip ng mga awtoridad kamakalawa ng hapon ang isang 19-anyos na lalaki na inaakusahang nanggahasa sa 16-anyos na kapatid ng kanyang nobya sa Bulacan, matapos na matukoy na nagtatago ito sa San Juan City.
Nakilala ang suspek na si Geoffrey Javillo, residente ng Purok 6, Barangay Sto. Rosario, Hagonoy, Bulacan.
Sa ulat ni P/Col. Ariel Fulo, hepe ng San Juan City Police, kay Eastern Police District (EPD) Director P/BGen. Nolasco Bathan, nabatid na dakong alas-kuwatro ng hapon nang madakip ang suspek sa kanyang hideout sa Gen. San Luis Street, Barangay Tibagan, San Juan City.
Armado ng warrant of arrest na inisyu ni Malolos Regional Trial Court (RTC) Branch 9 Hon. Judge Veronica Vicente-De Guzman, inaresto ng pinagsanib na puwersa ng San Juan Police-Warrant and Subpoena Section at Hagonoy Police Station, ang suspek na may kasong Rape in Relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.
Batay sa rekord ng hukuman, nabatid na Pebrero 15, 2017 nang umano’y gahasain ng suspek ang Grade 10 student na biktima, sa loob ng kanyang tahanan sa Hagonoy.
Nabatid na nagtungo lamang ang dalagita sa bahay ng suspek upang hanapin ang kanyang kapatid, na nobya ng suspek, ngunit bago siya nakaalis ay bigla na umano siyang kinaladkad ng suspek sa loob ng bahay nito at saka isinagawa ang panggagahasa.
Pinagbantaan pa umano ng suspek ang biktima na papatayin kung magsusumbong hinggil sa nangyari.
Napilitan naman ang biktima na magsumbong nang mabalitaang nitong ipinamamalita ng suspek sa kanilang mga kapitbahay na nakatalik na niya ang magkapatid.
Kaagad namang nagsumbong sa pulis at naghain ng kaso ang ama ng mga biktima ngunit bago naaresto ay nakatakas at nakapagtago na ang suspek.
Naaresto lamang ito sa San Juan City nang makatanggap ng tip ang mga pulis na nagtatrabaho sa lungsod ang suspek bilang ice delivery boy.
Itinurn-over na ng San Juan Police sa Hagonoy Police Station ang suspek matapos itong maaresto.
-Mary Ann Santiago