IBAAN, Batangas – Tapos ng 2-year course na Information Technology noong 2015, si Jaymart Perez Manlimid, 23, ay nagtatrabaho bilang isang toll booth teller.
Iba’t ibang trabaho ang sinubok niya, tulad ng pagiging isang production operator at sales agent ngunit hindi siya nagtagal. Nitong nakaraang Marso, habang naghihintay ng tawag mula sa kanyang recruitment agency na nangakong tutulungan siyang makapagtrabaho abroad ay sinubukan din ang kapalarang magtrabaho sa Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Toll company bilang booth teller.
“Matagal ko na po gusto makapagtrabaho sa STAR Toll, natatakot lang ako baka hindi ako matanggap,” ayon kay Jaymart.
Ngunit, dahil sa kanyang katapatan at integridad, isang pagbabago ang dumating sa kanyang buhay. Sa kanyang pagkakaalala, isang truck driver ang tumuro sa isang black body bag sa unang palapag sa labas ng teller’s booth.
Nakaramdam siya ng matinding kaba nang malamang naglalaman ito ng malaking halaga ng salapi. Hindi niya inaasahang magbibigay ito ng pagbabago sa kanyang buhay.
Binigyang pagkilala si Jaymart, taga-Barangay Palindan, Ibaan, Batangas, ni Governor Hermilando Mandanas, nitong nakaraang Hulyo 15 sa gitna ng flag-raising ceremony sa kapitolyo ng probinsiya.
Kinilala rin ng pamahalaang panlalawigan ang kanyang katapatan sa pagsasauli ng bag na naglalaman ng $10,000 na katumabas ng humigit-kumulang P500,000 at P16,000.
Ang may-ari ng bag ay nakilalang si Jocel dela Torre, isang Overseas Filipino Worker (OFW) na naka-base sa Korea.
Sa salaysay ni Dela Torre, nahulog ang bag mula sa kanyang kotse nitong nakaraang Mayo 3, dakong 10:15 ng umaga, nang buksan ang pintuan ng kotse habang inaabot ang kanyang entry ticket sa Malvar South Bound Toll Plaza sa STAR Tollway.
“Naisip ko ang laki naman nito para panghulog sa motor, pero hindi ko naman po ugali na pakialaman ang hindi sa akin at hindi ko pinaghirapan,” ani Jaymart sa Balita.
Kasalukuyang may binabayarang motorsiklo si Jaymart, sa loob ng tatlong taon at matatapos ngayong Oktubre. Agad din niyang sinabihan ang tagapangasiwa ng STAR Tollway na si Jane Marie Verzero na nagsikap hanapin ang nagmamay-ari ng nawawalang bag.
Bukod sa pagtaas ng sahod, ginawaran din si Jaymart ng ilang mga benepisyo ng kumpanya para sa isang regular na empleyado, tulad ng medical insurance at rice subsidy, simula ngayon.
“Isa rin po ito sa pinakamagandang nangyari, na-meet ko po si RSA ng personal, sa TV ko lang siya nakikita, proud na proud po ako,” aniya.
Ang RSA na tinutukoy niya ay si Ramon S. Ang, pangulo at Chief Executive Officer ng San Miguel Corporation na humahawak ng STAR Tollway.
Hindi lamang ito ang unang beses na nagsauli ng salapi si Jaymart. Ayon sa kanilang dating barangay chairman na si Cesar Marasigan, na nakita ang magandang pagkatao ng binata simula bata pa dahil isinauli niya rin ang isang pitaka na naglalaman ng tinatayang aabot sa P2,000 Canadian Dollar, na napulot nito sa kalsada.
“Meron siyang desisyon sa kaniyang sarili kapag hindi kanya ay hindi kukunin,” ani Marasigan.
-Lyka Manalo