Ibinasura kanina ng Sandiganbayan ang kasong kriminal laban sa pitong opisyal ng militar at pulisya na umano’y sangkot sa iligal na pagkakakulong sa 43 health workers sa Morong, Rizal, noong 2010.
Sa desisyon ng 7th Division ng anti-graft court, walang sapat na ebidensiya ang prosekusyon laban kina Lt. Gen. Jorge Segovia, retired Maj. Gen. Aurelio Baladad, Brig. Gen. Joselito Reyes, Col. Cristobal Zaragoza, Police Supt. Marion Balonglong, Police Supt. Allan Nobleza, at Police Chief Insp. Jovily Cabading.
"At this point it is apt to reiterate and emphasize that a demurrer to evidence is a motion to dismiss on the ground of insufficiency of evidence," the resolution read. Hence, the Court finds the evidence adduced by the prosecution insufficient to sustain the indictment or to support a verdict of guilt thus, warranting the dismissal of the herein cases."
Ang mga nasabing opisyal ay nauna nang kinasuhan ng paglabag sa Section 4(b) ng Republic Act 7438 (An act defining certain rights of person arrested, detained or under custodial investigation as well as the duties of the arresting officers).
Sa nabanggit na reklamo, sinabi na ng tinaguriang ‘Morong 43’ na pinagbawalan silang kumausap sa kanilang abugado, kamag-anak, kaibigan, doktor at sa isang spiritual adviser habang sila ay nakapiit sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal.
Ikinulong ang naturang mga health worker kasunod ng kanilang pagkakaaresto habang nagsasagawa umano ng explosives training sa isang bahay sa Morong, noong Pebrero 2010.
-Czarina Nicole Ong Ki