Nanindigan si Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na walang kinalaman ang Malacañang sa paghahain ng reklamong sedition laban kay Vice President Leni Robredo at sa 30 iba pang kritiko ng administrasyon.

ROBREDO

Sa katunayan aniya, ikinagulat pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghahain ng kaso ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Robredo.

Wala rin umanong kaugnayan sa Malacañang si Atty. Larry Gadon na tumatayong abogado ni Peter Jomel Advincula, alyas “Bikoy”, na dati na ring naghain ng impeachment complaint laban kay dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Eleksyon

Ex-Pres. Duterte, babawiin kandidatura bilang alkalde ng Davao City; tatakbo umanong senador

Gayunman, sinabi nito na bilang abugado, natural lang kay Gadon na kumuha ng kanyang kliyente.

Paliwanag naman ni Presidential Communictions Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, maraming trabahong inaatupag ang Pangulo na mas kailangan nitong tutukan at unahin kaysa panghimasukan pa nito ang ibang mga bagay.

Naniniwala rin si Andanar na kayang ipagtanggol ng mga abugado ng oposisyon sa nasabing kaso.

"Palagay ko naman, merong sapat na mga abogado ang oposisyon and they can defend themselves. Kung talagang walang sedition, then they will go scot-free," pahayag pa nito.

Kamakailan, inireklamo ng PNP-CIDG sa Department of Justice (DoJ) sina Robredo at 30 na iba pang kritiko ng Pangulo sa mga kasong inciting to sedition, cyber libel, libel, estafa, harboring criminal at obstruction of justice.

Kabilang sa mga kinasuhan sina Otso Diretso senatorial candidates Magdalo Representative Gary Alejano, dating Senator Bam Aquino, human rights lawyer Chel Diokno, Moro civic leader Samira Gutoc, dating Solicitor General Florin Hilbay, election lawyer Romeo Macalintal, at House Deputy Speaker Erin Tañada.

-Beth Camia aty Argyll Cyrus Geducos