Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang gunman habang nakahinto sa traffic sa Malabon City, nitong Miyerkules ng gabi.

COP

Dead on the spot si Staff Sgt. Orland “Lucky Boy” De Leon, 32, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Malabon City Police, at taga-Stotsenburg Street, 10th Avenue, Caloocan City.

Sa pagsusuri ni Major Avelino U. Andaya, ng Scene on the Crime Operations (SOCO), sa labi ng pulis, nagtamo ito ng mga tama ng bala ng .45 caliber pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Impeachment case ni VP Sara, maaari pang madagdagan?

Sa imbestigasyon ni Staff Sgt. Mardelio S. Osting, ng Station Investigation Unit (SIU), bandang 6:20 ng gabi nang umalis sa kanilang tanggapan si De Leon at umuwi sakay sa motorsiklo.

Gayunman, pagsapit sa Araneta Avenue sa Barangay Potrero sa Malabon ay napahinto ang pulis matapos ma-traffic.

Biglang sulpot naman sa likuran ni De Leon ang suspek, at pinagbabaril siya, saka tumakas gamit ang isang motorsiklong nakaparada malapit sa lugar.

Sinabi naman sa pulisya ng live-in partner ni De Leon, kinilalang si Joyce, na wala siyang alam na may kaaway ang biktima, at wala rin umano itong natatanggap na death threats.

Naghihinala ang pulisya na may kinalaman sa pagiging anti-drug cop ni De Leon ang pamamaslang sa kanya, lalo na at sunud-sunod ang panghuhuli niya ng mga drug suspect, ayon kay Staff Sgt. Osting.

“Inalam ‘yung dinadaanan ni Sgt. De Leon, pinag-aralan talaga ‘yung araw-araw na routine nya,” ani Staff Sgt. Osting.

Sinabi ni Staff Sgt. Osting sa BALITA na noong nakaraang taon lang naging operatiba ng Malabon Police si De Leon.

-Orly L. Barcala at Joseph Almer B. Pedrajas