Ipinag-utos mismo ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa LTFRB na ipatupad ang sarili nitong memorandum na nagpapahintulot sa mga hatchback para mamasada bilang ride-hailing car, pero may kondisyon ang kalihim.

HATCHBACK

“Implement the existing MC (memorandum circular) until such time that the same is modified and/or amended,” saad sa pahayag ni Tugade ngayong Huwebes.

Ito ang utos ng kalihim makaraang mapakinggan ang paliwanag ng ilang transport officials at stakeholders tungkol sa usapin.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Nagsagawa kamakailan ng kilos-protesta at naghain ng reklamo laban sa LTFRB ang mga deactivated hatchback drivers sa pagbabawal sa kanilang pumasada at sa kabiguang ipatupad ang sariling memorandum memorandum circular 2018-005 ng ahensiya.

Batay sa memo na ipinalabas noong Pebrero 2018, ang lahat ng accredited hatchback units ay maaaring mag-operate bilang transport network vehicle service (TNVS), sa mas murang singil, at sa Metro Manila lamang, sa tatlong taong transition.

Idinagdag naman ng DOTr na tanging mga hatchback units na kabilang sa 55,000 unit na nasa masterlist, at ang aplikasyon ay inihain simula Marso 5 hanggang Disyembre 15, 2018, ang nasasaklawan ng memo.

“Kung kailangang baguhin ang ilang dokumento, baguhin. Kung kailangang i-improve, dapat i-improve,” sabi ni Tugade.

Iginiit naman ng Metro Manila Hatchback Community na tumanggi ang LTFRB na iproseso ang mga bagong franchise applications, at maging ang mga nag-file ng renewal na may hatchback unit, dahil sa mga regulasyon ng ahensiya laban sa mga sasakyang engine power na mas mababa sa 1,200 cc.

Ayon kay Jun De Leon, chairman ng Hatchback Community, naapektuhan nito ang kabuhayan ng nasa 1,225 hatchback drivers, na tinanggal ng Grab dahil sa kawalan ng prangkisa, at ituring silang kolorum.

Ikinatuwa naman ng Laban TNVS, network ng mga TNVS operators at drivers, ang utos ni Tugade sa LTFRB.

“We commend DOTr chief Tugade, Usec. De Leon and the regulatory board’s former members, lawyers [Aileen] Lizada and [Ariel] Inton and the Anti-Red Tape Authority for pushing the LTFRB to implement its previous memorandum on hatchbacks. Their support to us will forever be remembered by our peers in the TNVS community and our families as well,” saad sa pahayag ng Laban TNVS ngayong Huwebes.

-Alexandria San Juan