ITININDIG ng San Juan Knights–Exile ang katayuan bilang premyadong basketball team sa amateur league.
Naihanay ng San Juan ang Community Basketball Association (CBA)-Pilipinas sa koleksyon ng mga tropeo nang pagwagihan ang kauna-unahan National Championship matapos gapiin ang Bicol champion Naga Waterborne, 80-77, sa makapigil-hiningang winner-take-all duel nitong Lunes sa San Juan gym.
Nanguna sina Judel Fuentes, Jhonard Clarito, Mike Ayonayon at Art Patrick Aquino sa opensa sa krusyal na sandali para sandigan ang Randy Alcantara-mentored Knights Exile, nakabitaw sa 16-puntos na bentahe sa kaagahan ng laro.
Bukod sa bagong pedestal, nasungkit ng Exile, pinangangasiwaan ni Joey Valencia ang premyong P1 milyon sa torneo na inorganisa ni actor-director Carlo Maceda at itinataguyod ng Globe Telecoms, Spalding at Arceegee Sports Wear.
Kumana si Fuentes ng game-high 23 puntos, tampok ang anim na triples, apat na rebounds at tatlong assists. Nag-ambag si Clarito, bida sa tagumpay ng San Juan sa katatapos na MPBL Datu Cup, sa naiskor na 17puntos, siyam na rebounds, at tumipa si Ayonayon ng 16 puntos, limang rebounds at limang assists.
“We’re very happy to win the CBA title. The boys worked very hard for it,”pahayag ni Alcantara, kasama sina assistant coach Yong Garcia at San Juan team governor Chris Conwi.
Kumasa si Aquino na may 10 puntis at siyam na rebounds para sa San Juan, umusad sa championship round nang gapiin ang General Trias Braves.
Umusad ang San Juan sa 79-74, mula sa split ni Ayonayon. Nakadikit ang Naga sa 77-79 mula sa three-pointer ni Norman Torreno, bago naselyuhan ang panalo sa rgree throw ni Ayonayon, 80-77,
Tumapos si Torreno na may 20 puntos para sa Naga.
Iskor:
San Juan Knights (80) – Fuentes 23, Clarito 17, Ayonayon 16, Aquino 10, Saret 6, Acol 4, Reyes 2, Ubalde 2, Astrero 0, Rosopa 0.
Naga Water Borne (77) – Torren 20, J. Lopez 13, Saladdin 10, A. Lopez 8, Reed 9, Mengoy 4, Garcia 4, Penas 3, Morada 2, Galon 2, Aransazo 1, Sumayao 1, Palencia 0, Aquino 0, Estrada 0, Caroche 0.
Quarterscores: 25-16, 40-34, 61-52, 80-77.