Iniutos ng Sandiganbayan na suspendihin ng 90 araw si Panglao, Bohol Mayor Leonila Montero matapos gawing consultant ang apat na talunang kandidato sa nakaraang 2013 elections.

SUSPENDED

Sa ruling ng 6th Division ng anti-gratf court, dapat na suspendihin sa puwesto ang sinumang opisyal ng pamahalaan na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019) upang hindi nito maimpluwensihan ang imbestigasyon sa kaso.

Nahaharap din si Montero sa apat na bilang ng paglabag sa Article 244 (Unlawful Appointment) ng Revised Penal Code (RPC).

Metro

Babaeng lulong sa online gambling, sinaksak ang anak dahil sa Wi-Fi password

Ang kaso ay nag-ugat sa paghirang ni Montero kina Noel Homarchuelos, bilang municipal administrator/consultant for administrative services; Danilo Reyes, bilang public information consultant; Apolinar Fudalan, bilang Public Employment Service Office Coordinator/IT consultant; at Fernando Penales, bilang infrastructure/engineering consultant.

Sa rekord ng kaso, kinuha ng alkalde ang serbisyo ng apat sa pamamagitan ng job order. Gayunman, nanilbihan umano ang mga ito sa kabila ng kawalan ng contract of service o appointment paper mula sa Sangguniangn Bayan.

Ang apat ay sumusuweldo ng P25,000 kada buwan.

Sinabi ng hukuman, una nang tinangkang pigilan ni Montero ang inilabas na suspension order laban sa kanya at sinabing natapos na umano ang lahat ng isinagawang imbestigasyon sa usapin at hindi rin umano nito pinilit ang sinuman na baguhin ang mga impormasyon sa kinakaharap na kaso.

Kaugnay nito, inatasan na rin ng hukuman ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ipatupad ang suspensiyon.

-Czarina Nicole Ong Ki