Deserving din sa suweldo ang mga nanay na nasa bahay.

(PHOTO/ ALVIN KASIBAN)

(PHOTO/ ALVIN KASIBAN)

Desidido ang isang kongresista na bigyan ng buwanang sahod ang mga ginang na nagpapakahirap sa pagpapanatili ng maginhawang pang-araw-araw na buhay para sa kani-kanilang pamilya.

Tiniyak ni Albay Rep. Joey Salceda na isusulong niyang maisabatas ang Housewives Compensation Act (House Bill 80) na inihain niya sa Kamara, na layuning bigyan ng sahod ang mga ina na napipilitang manatili sa bahay upang maalagaan nang maayos ang asawa at mga anak, kaya hindi magawang makapagtrabaho.

Anak ni Sen. Jinggoy Estrada, ginulpi sa Boracay

Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang katumbas na perang halaga ng oras at gawain ng mga ginang na nasa bahay ay umaabot sa P3.3 trilyon, o 20% ng kabuuang gross domestic product (GDP) ng bansa.

Babaguhin ng panukala ang umiiral na pinsipyo sa larangan ng economics “na ang gawaing hindi binabayaran ay hindi productive labor”.

Sa ulat ng PIDS, nasa 12 milyon ang walang trabaho noong Enero 2018, at 11.2 milyon dito ay babae.

Hindi sila itinuturing na bahagi ng aktibong manggagawa dahil pangtahanan ang ginagampanan nilang tungkulin at walang bayad.

Sa nasabing bilang, 4.168 milyon ang may mga anak na mas bata pa sa 12 anyos, at 1.790 milyon sa kanila ang kumpirmadong mahihirap.

Nakatuon ang panukala ni Salceda sa mga mahihirap na ginang na may anak na 12 anyos pababa, na pasasahurin ng P2,000 buwan-buwan hanggang lampas na sa 12 anyos ang kanilang anak, o makaahon sila sa kahirapan.

Tinatayang aabot sa P35 bilyon kada taon ang suportang ito—P32 bilyon para sa mga may-asawa, at P3 bilyon para sa mga walang asawa, mga balo, at iba pa.