Isang dating konsehal ng bayan ng Sasmuan sa Pampanga na wanted sa carnapping sa "rent-tangay" modus, ang naaresto ng pulisya sa Quezon City nitong Martes.
Ipinrisinta ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang press conference ang suspek na si Glendy Nacu, 39, ng Barangay Sto. Tomas, Sasmuan.
Armado ng warrant of arrest, si Nacu ay inaresto dakong alas – 7:30 ng umaga kahapon ng mga operatiba ng QCPDPS3 sa isang food chain sa Quirino Highway, Brgy. Talipapa.
Nadakip si Nacu matapos ireklamo sa QCPD Talipapa Police Station (PS-3), ng isang "Maria," 52, residente ng Antipolo City; at Gina Macaya, 55, residente ng Valenzuela City, dahil sa umano’y pagkakasangkot ng suspek sa insidente ng carnapping.
Ayon sa dalawang biktima, may nakabinbin na warrant of arrest para sa kaso ng carnapping si Nacu matapos tangayin ang bagong Mitsubishi Mirage ni Maria noong nakaraang taon.
Sinabi ni PCapt. Manuel Dela Cruz of QCPD Anti-Carnapping (ANCAR) Unit, na modus umano ng suspek na kaibiganin ang kanyang mga biktima bago rentahan ang sasakyan at ibenta.
Nakapiit ngayon ang suspek sa QCPDPS3 matapos kasuhan ng carnapping bago dalhin sa Pampanga.
-Alexandria San Juan at Jun Fabon