Hinikayat ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang publiko na makiisa sa ikinasang surprise rally ng religious group na Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument sa Quezon City nitong umaga ng Martes, Hunyo 30, 2026.
Sa naging pahayag ni Leviste sa kaniyang Facebook post nito ring Martes, idiniin niyang hindi lang daw tumutuon para sa isang grupo ng INC ang kinasang biglaang rally sa EDSA kundi para din daw ito sa lahat ng mga Pilipino.
“Lahat ay inaanyayahan ngayong araw sa EDSA People Power Monument. Hindi ito para sa iisang grupo. Para ito sa lahat ng Pilipino,” tirada niya.
Screenshot mula sa FB post ni Leviste.
Bago nito, nauna na ring maglabas si Leviste ng kaniyang reaksyon kaugnay sa mga campaign donors umano ng maraming mambabatas sa Kongreso.
Aniya, mauubos daw ang karamihan sa mga senador at iba pang mga mambabatas kung lilitaw sa publiko ang mga taong tumulong sa kanilang pangangampanya noong nakaraang eleksyon.
“Kung aalamin sino ang tunay na campaign donors ng mga politiko, mauubos ang karamihan ng nasa Senado at Kongreso,” saad niya.
Buwelta ni Leviste, bakit daw si Sen. Rodante Marcoleta lang ang sasampahan ng kaso gayong pinondohan din umano ng maanomalyang flood control projects ang kampanya ng iba pang mga mambabatas.
“Bakit si Senador Rodante Marcoleta ang kakasuhan, habang ang kampanya ng iba ay pinondohan ng flood control?” pagtatapos pa niya.
Habang sinusulat ito, namataan na si Leviste sa kumpulan ng mga miyembro ng INC na nagkasa ng surprise rally sa EDSA People Power Monument sa Quezon City nitong umaga ng Martes, Hunyo 30.
KAUGNAY NA BALITA: Ang kasalanan ko lang ay paglingkuran kayo—Marcoleta