Dalawang aktibong pulis at isang police asset, ang dinakma ng mga kabaro nito, matapos na akusahan ng panghoholdap ng isang lalaki sa Barangay San Miguel, Pasig City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, P/MGen. Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina P/Cpl. Roy Duman-ag, 27, at Patrolman Arsenio Velardo, 29, kapwa nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasig City Police; at Janus Francisco, 36, na umano’y isang police asset, at residente ng Barangay San Miguel.

Kaagad sinibak sa puwesto sina Duman-ag at Velardo at inilipat ni Eleazar sa headquarters support unit ng NCRPO habang sumasailalim sa imbestigasyon.

Batay sa ulat ng Pasig City Police, inaresto ang tatlong suspek matapos na ireklamo ng ‘hulidap’ ng biktimang si Robert Tamondog Ignacio, 28, isang Globe installer.

Politics

Isko Moreno, hindi na umano tatakbo sa mas mataas na posisyon sa 2028

Sa sumbong ng biktima, nabatid na dakong 9:30 ng gabi nang sitahin umano siya ng mga suspek sa bahagi ng Tambakan 2, M. Eusebio Avenue, Barangay San Miguel dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Tinutukan pa umano ng baril ng mga suspek ang biktima at saka sinabihang, “Huwag kang tatakbo adik ka!”

Kinapkapan ng mga suspek si Ignacio at nang makuha umano ang kanyang P850 at silver na singsing ay pinakawalan na siya ng mga ito.

Kaagad namang nag-report ang biktima at kanyang mga kaanak sa mga opisyal ng Barangay San Miguel hinggil sa pangyayari, na siyang nagpaabot ng sumbong sa mga tauhan ng Police Community Precinct 5 (PCP-5) ng Pasig City Police.

Rumesponde naman sina P/Cpl Roger Gaffud at P/Cpl. Orlando Aldojesa, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Narekober mula sa mga suspek ang isang pirasong silver na singsing, dalawang kalibre .9mm pistola na kargado ng 48 live ammunitions at isang Swiss knife.

Kaugnay nito, kinastigo naman ni Eleazar ang mga suspek na nabatid na pumasok sa serbisyo noong 2013 (Duman-ag) at 2014 (Velardo).

Hinikayat din ni Eleazar ang mga posibleng nabiktima pa ng mga suspek at ng iba pang tiwaling alagad ng batas, na lumutang at magsampa na rin ng kaso laban sa mga ito.

Ang mga suspek, ay pawang nakapiit na at sasampahan ng kasong robbery with intimidation at grave misconduct sa piskalya.

-Mary Ann Santiago