Didal, nanguna sa Nat’l Skateboarding tilt

BILANG paghahanda sa nalalapit na hosting sa 30th Southeast Asian Games, nakatuon din ang paghahanda ng ilang atleta na sigurado nang sasabak sa kompetisyon.

DIDAL: Nakatuon sa SEA Games.

DIDAL: Nakatuon sa SEA Games.

Pinatunayan ni Asian Games gold medalist Margielyn Didal ang kanyang lakas matapos na manguna sa katatapos lang na 2019 Go for Gold National Skateboarding Championships kamakalawa na ginanap sa Backyard Skatepark ng Barangay Tagapo, Santa Rosa, Laguna.

May nandura? Komosyon sa pagitan ng UP, La Salle coaches, lumala!

Nanguna ang Cebuano pride na si Didal sa Women’s Street Finals, tangan ang iskor na 28.73, sa kompetisyon na nilahokan ng mga ilang skateboarding enthusiasts sa loob at labas ng bansa.

Ayon kay Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines (SRSAP) president Monty Mendigoria, ang nasabing kompetisyon ay bahagi ng kompetisyon na magbibigay ng pagkakataon sa kanilang mga atleta na maging bahagi ng koponan para sa biennial meet.

Gayunman, nilinaw niya na dadaan pa rin sa screening ang mga nagwaging skateboard athletes base sa panuntunan ng seleksyon ng Philippine Sports Commission (PSC).

“Winners will still undergo screening according to the criteria of the PSC. By August the final team line-up will be out and immediately, they’ll be on training,” pahayag ni Mendigoria.

Sinabi din ng SRSAP chief na bagama’t may mga manlalaro na silang nakalista para magsuot ng Philippine team jersey para sa skateboarding, ay kailangan pa rin nila na kumuha ng mga atletang maaring maging bahagi ng national team.

Sa kasalukuyan, bukod kay Didal, kasama din sa mga seeded na skateboard athletes sina Renzo Mark Feliciano, Jeffrey Gonzales, Christiana Means, Jericho Francisco at Allysha Le.

“The total slot for SEA Games is 16, but that doesn’t mean that it’s 16 we will assign. Some seeded athletes will be doing 2 events. Hindi pa namin alam kung ilan ang idadagdag. may screening process pa kaming gagawin,” paliwanag ni Mendigoria.

Samantala, sa resulta ng nasabing kompetisyon, pumangalawa kay Didal sa women’s Street finals ang pambato ng Cavite na si Princess Jaramillo na may 24.57 na iskor, habang pangatlo naman si Cindy Serna ng Bacolod City na nagtala ng 22.73.

Sa Men’s Street finals ay nanguna naman ang dayuhan na si Daniel Ledermann ng Germany, kasunod si Feliciano ng Baler, Quezon at pangatlo naman si Archie Mapoy ng Bulacan.

Sa Men’s Game of Skate naman ay nagwagi si Charles Louie Paje ng Caloocan habang sa Women’s Game of Skate naman ay nagwagi si Arianne Mae Trinidad ng Angeles City Pampanga.

-Annie Abad