Bumaba sa kabuuang bilang na 46 ang inisyal na tala ng mga nasawi sa yumanig na magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8, 2026, batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Matatandaang ginulantang ng may lakas na magnitude 7.8 na lindol ang maraming lokal na residente at estudyante partikular sa Maasim, Sarangani, at iba pang mga karatig nitong lugar.
Ayon sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumama ang mapaminsalang lindol sa malapit sa naturang lugar bandang 7:37 ng umaga noong Lunes.
KAUGNAY NA BALITA: PHIVOLCS, itinaas sa magnitude 7.8 ang nangyaring lindol sa Sarangani
Matatandaan ding pumalo na sa 55 ang naitalang mga nasawi sa naturang lindol ngunit bumaba ito sa 46 base sa inihayag na ulat ng NDRRMC noong gabi ng Biyernes, Hunyo 12.
Paliwanag ni Office of Civil Defense Information Officer Diego Mariano sa ipinadala niyang mensahe sa media, sinabi niyang sanhi daw ng naging pagbabago ng bilang ng mga namatay ang patuloy na pagba-validate nila ng natatanggap nilang mga report.
Aniya pa, natural lang daw na magbabago ang mga naitatalang bilang ng mga awtoridad dahil sa tuloy-tuloy na pagdating ng mga bagong impormasyon sa kanila.
“The changes are due to continuous validation of reports po, kaya magkakaroon po talaga ng pagbabago sa numbers po,” saad ni Marinano.
Ayon sa huling tala ng NDRRMC, umabot na 38 ang bilang ng mga nawawalang indibidwal dahil sa naging trahedya ng lindol habang 688 ang napaulat na nasaktan.
Sa kabuuan, pumalo na umano sa 86,135 na mga pamilya o higit sa 392,806 na indibidwal, at 352 na mga barangay naman ang naapektuhan ng malakas na lindol sa Davao.
Dagdag pa nila, aabot sa humigit-kumulang 2,409 na mga pamilya o 10,783 naman daw ng mga indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center, habang mahigit 1,200 naman na mga bahay ang nasira ng trahedya ng lindol.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Paano nga ba hahatiin ang panukalang ₱15B pondo para sa mga biktima ng lindol?