Huli sa isang entrapment operation ang isang lalaki at babae na inireklamo ng pangongotong sa mga tindera sa Divisoria sa Maynila.
Ayon kay Manila Mayor Isko Domagoso, nahaharap na sa pitong bilang ng kasong robbery extortion at coercion sa piskalya ang mga suspek na sina Melanie dela Cruz, 39, vendor; at Marlon Carpio, 19, na inihain ng pitong vendors.
Naaresto ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang dalawa sa isang entrapment operation sa Claro M. Recto Avenue, kanto ng Jose Abad Santos Street sa Binondo, Manila, dakong 4:30 ng hapon nitong Hulyo 12 matapos na makatanggap ng reklamo laban sa kanila.
Nauna rito, ilang vendors ang naghain ng anonymous report sa Office of the Mayor noong Hulyo 8, kaugnay sa pangingikil ng isang Lanie, Zeny at Carol Bakulaw sa mga vendor sa sidewalk mula Recto hanggang Soler.
Lumilitaw na ayaw payagan ng mga suspek ang mga vendor na makapaglabas ng paninda hanggat hindi nagbibigay ng tara na P500 hanggang P1,000.
Isang Imelda Sonza rin ang nagtungo na mismo sa tanggapan ng alkalde upang maghain ng reklamo laban sa mga suspek.
Kaagad namang isinailalim sa surveillance ang mga suspek at kaagad na inaresto ang dalawa nang mag-positibo ang reklamo.
Sa impormasyon naman na nakuha ng SMaRT, natukoy na may nagaganap umanong ‘tribal war’ ngayon sa mga paksiyon ng mga vendor organizer sa Divisoria dahil sa posibleng income na P5 milyon kada araw at nalaman rin na may limang vendor organizer ang napapatay sa nakalipas na 10 taon.
-Mary Ann Santiago