MASUSUKAT ang kahandaan ng mga pambato ng bansa sa gaganaping 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre sa pakikipagtagisan ng husay sa PhilCycling National Road Championships sa Hulyo 23-24 sa Tagaytay City.
Ang pamosong ‘tourist destination’, ang gagamitin ding venue sa SEA Games hosting sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
“Familiarity sa terrain at sa kabuuan ng ruta ang kailangan ng mga siklista natin. Advantage na ito sa atin,” pahayag ni PhilCycling president Abraham ‘Bambol’ Tolentino.
Ang nasabing kompetisyon ay lalahokan ng mga stakeholders buhat sa mga pribadong sektor at magsisilbing huling labanan upang mabuo ang listahan para sa mga siklista na sasabak sa biennial meet.
Mag-uunahan ang mga kalahok para sa massed start (road race), individual time trial (ITT) at team trime trial (TTT) para sa mga kalalakihan at mga kababaihan gayundin sa mga junior na may edad na 17 hanggang 18-anyos.
Inaasahan din ang paglahok ng mga kilalang elite riders ng bansa para sa mga events na Men Elite and Under-23 18-km ITT; Women Elite and Under-23 and Men and Women Junior 12-km ITT; Men Elite 40-km TTT; Women Elite and Under-23 and Men and Women Junior 91.35-km Road Race; and Men Elite and Under-23 132.08-km Road Race.
Kabilang sa mga koponan na magpapakitang gilas para sa nasabing karera ay ang Standard Insurance,Go For Gold, One LGC (Air21, Ube Media Inc. and IWMI), MVP Sports Foundation at 7-Eleven Cliqq Air21 by Roadbike Philippines.
Kasabay nito, ang national championships para sa youth men at women na angkop sa may mga edad na 16 pababa ay isasama sa Batang Pinoy National Finals, ngayong darating na Agosto na gaganapin naman sa Puerto Princesa.
-Annie Abad