Sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na nakatakda raw sumunod ang pamahalaan sa utos ng Korte Suprema sa kanila na magbigay ng komento kaugnay sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Matatandaang nagbaba ng direktiba ang Korte Suprema noong Abril 22, 2026, kina PBBM at Recto upang sumagot sa petisyong “writ of mandamus” na isinumite nina Pantaleon D. Alvarez, Virgilio R. Garcia, Juan C. Raña, at Raymundo L. Junia kaugnay sa kalusugan ng Pangulo at kapasidad niya sa paggampan ng kaniyang posisyon.
Nasasaad din dito na humihiling ang petisyon na ilahad ang medical report ni PBBM upang matiyak ang kakayahan nitong gampanan ang kaniyang mga tungkulin bilang Pangulo ng bansa.
KAUGNAY NA BALITA: SC, pinagkokomento si PBBM, ES Recto sa petisyong magpa-medical, hair follicle test
Ayon naman sa naging pahayag ni Recto sa panayam sa kaniya ng media nitong Biyernes, Abril 24, sinabi niyang maglalabas na raw ng komento ang pamahalaan sa Korte Suprema.
“We will comment soon. We will follow the Supreme Court to provide a comment,” pagsisimula niya.
Depensa ni Recto, ang mga media na rin daw ang mismong nakasaksi na malusog ang Pangulo nang minsan itong tumakbo at mag-ehersisyo sa Palasyo.
“But just like I said earlier, nakita naman ninyo, kayong Malacañáng Presscon kayo, hindi nga ninyo kayang sumabay sa Pangulo ‘pag siya’y tumatakbo,” pagbibida niya.
Ani Recto, nakikita rin daw ng media ang mga nakatakdang trabaho ng Pangulo at masasabi niyang napakasipag nito.
“Nabanggit ko kanina na nakikita naman ninyo ang schedule ng Pangulo… Sabi ko nga, napakasipag ng ating Pangulo,” aniya.
“Hindi ko pa nababasa but we will submit. Ang tinutukoy ko, malakas ang Pangulo,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala namang nabanggit si Recto tungkol sa pagkukuwestiyon ng naturang petisyon laban sa kanila sa Korte Suprema kaugnay sa kapasidad niya sa kaniyang posisyon bilang Executive Secretary.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM napa-jumping jack, hinamon mga bumabatikos sa kalusugan niya!