May 22, 2026

Home BALITA Probinsya

Gov. Vilma Santos nagtampo, ‘di binigyan ng ₱200K ilang barangay sa Batangas—Rep. Leviste

Gov. Vilma Santos nagtampo, ‘di binigyan ng ₱200K ilang barangay sa Batangas—Rep. Leviste
Photo courtesy: File Photo, Gov. Vilma Santos (FB)

Isiniwalat ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na hindi umano nabigyan ng ayudang ₱200,000 ang isang barangay sa Batangas dahil nagtampo diumano si Governor Vilma Santos-Recto rito. 

Mula ang distribusyon ng ₱200,000 sa inaprubahang inisyatiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na “Bawat Barangay Makikinabang” na nag-uutos maglabas ng ₱8 bilyon at maibigay ang nasabing halaga sa halos lahat na mga barangay sa Pilipinas.

Bilang pagtugon umano ito sa epekto ng sigalot na nagaganap sa Middle East at pagkakaroon ng krisis sa langis sa bansa. 

Ayon sa isinagawang press conference ni Leviste nitong Biyernes, Abril 24, 2026, sinabi niyang aabot daw sa 84 na mga barangay sa Batangas ang hindi nakasama sa mabibigyan ng ₱200,000 dahil sa pagpigil ng ilang mga politiko. 

“Mga politiko na pinipigil ang pamimigay ng ayuda na hindi naman galing sa sarili nilang bulsa,” pagsisimula niya. 

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

Dagdag pa niya, “Si President Marcos ay nasa Batangas City ngayon para magbigay ng ₱200,000 sa bawat barangay. Pero hindi niya alam, at least 84 barangay ng Batangas ang hindi inimbitahan.” 

Ani Leviste, may isa raw Kapitan ng barangay sa Batangas ang nasabihang hindi mabibigyan ng ₱200,000 ang kaniyang pinamumunuang lugar dahil nagtatampo umano si Governor Vilma dito. 

“Isang Kapitan, sinabihan ng Presidente ng Liga ng Barangay sa Batangas na hindi sila kasama dahil nagtatampo raw sa kanila si Governor Vilma Santos-Recto,” aniya. 

Diin pa niya, “Siguro naman, hindi ito alam ni President Marcos, siya ang nasisira dito kasi ang pangako ay galing sa kaniya na bawat barangay ay makikinabang. At hindi ito natutupad ngayong araw.” 

Pagpapatuloy ni Leviste, nailapit na raw nila ang usaping ito sa Palasyo at ipinagako nitong ihahabol ang mga barangay na hindi nakasama sa distribusyon ng ₱200,000 sa Batangas. 

“Ngayon, naiparating namin ito sa Malacañáng at sinabi nila na ihahabol nila ang ₱200,000 para sa mga barangay na hindi naisama ngayong araw,” saad niya.

Aniya pa, “Ako po ay buong galang na nananawagan, President Marcos, na ibigay ninyo ngayong araw ang ₱200,000 sa mga barangay na hindi inimbitahan sa bigayan ng ₱200,000 ngayong araw.” 

Ayon pa kay Leviste, dapat daw na mapaimbestigahan ni PBBM ang sistema ng pamimigay ng ayuda ng gobyerno, partikular ng pinangungunahan ng asawa ng gobernadorang si Vilma Santos-Recto na si Executive Secretary Ralph Recto. 

“At imbestigahan niyo ang pamimigay ng ayuda na pinangungunahan ng Executive Secretary Ralph Recto,” pagtatapos pa niya. 

Bagaman walang kumpirmasyong sumagot si Governor Vilma kay Leviste, nagawa niyang magbahagi sa kaniyang Facebook page nito ring Biyernes mula sa isang post ng isang netizen, na ngayon ay burado na. 

Sa naturang post mababasang sinabi ng netizen na, “Focus lang sa work. Gusto lagi main character siya.” 

KAUGNAY NA BALITA: 'Sinusuwelduhan mga congressman para manahimik!'—Rep. Leviste