Nag-alok ng P1-milyon pabuya si Manila Mayor Isko Moreno para sa agarang ikadarakip ng pitong nanloob sa isang bangko sa Binondo, ngayong Huwebes ng umaga.

HINOLDAP Bantay-sarado ng mga pulis ang front door ng bangkong ito sa Binondo, Maynila, na hinoldap ng pitong katao, ngayong Huwebes ng umaga. (ALI VICOY)

HINOLDAP Bantay-sarado ng mga pulis ang front door ng bangkong ito sa Binondo, Maynila, na hinoldap ng pitong katao, ngayong Huwebes ng umaga. (ALI VICOY)

Batay sa ulat ni Lt. Col. Noel Aliño, hepe ng Manila Police District (MPD)-Meisic Station, sa alkalde, nabatid na dakong 8:40 ng umaga nang looban ang Metrobank Binondo na nasa Sto. Cristo Street, kanto ng Claro M. Recto Avenue sa Binondo.

Magbubukas pa lang umano ang bangko nang dalawa sa mga hindi pa nakikilalang suspek ang nagpanggap na security guard, kinausap ang guwardiya ng bangko, saka nagdeklara ng holdap.

MRT-3 GM Bongon, sinibak sa puwesto dahil sa nagkaaberyang escalator

Iginapos umano ng mga suspek ang guwardiya, habang pinagsama-sama ang mga empleyado sa isang kuwarto, saka nilimas ang pera ng bangko.

Maging ang CCTV ng bangko ay tinangay ng mga suspek, na tumakas sakay sa mga motorsiklo.

Dakong 9:18 ng umaga umano nai-report sa mga awtoridad ang insidente, at matapos ang dalawang minuto, o pagsapit ng 9:20 ng umaga, ay nakaresponde ang mga pulis.

Gayunman, 11:20 ng umaga na sila pinayagang pumasok ng chief security ng bangko, sa pakiusap ni Mayor Isko na payagang makapag-imbestiga ang mga awtoridad.

Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa insidente, at habang isinusulat ang balitang ito ay inaalam pa kung magkano ang halaga ng perang natangay ng mga holdaper.

Kaagad namang nagtungo sa naturang bangko si Mayor Isko upang alamin ang sitwasyon doon.

Nag-alok din ang alkalde ng P1 milyon pabuya para sa agarang ikaaaresto ng mga salarin.

Nanawagan rin siya sa mga kinauukulan, partikular na sa National Bureau of Investigation (NBI), na tumulong sa imbestigasyon para kaagad na madakip ang mga suspek.

“Mga kababayan, ngayon po, I am now offering—pinangungunahan ko na—I am now offering P1 million for the arrest of these at least 7 suspects na kinuha ‘yung CCTV ng bangko, but as per information, the Manila Police District already have a copy of the CCTV from the barangay,” apela ng alkalde.

“To those individuals na nanonood, lahat ng nanonood, sino man sa inyo ang nakakaalam, makakaalam, makapagbibigay ng impormasyon para masakote itong mga kriminal na pumunta sa Maynila, bibigyan po namin kayo ng pabuya na isang milyong piso,” dagdag pa ni Mayor Isko.

Binantaan din ni Mayor Isko ang mga kriminal na huwag pumunta sa Maynila, at tiniyak na tutugisin ang mga ito hanggang hindi naaaresto.