Hindi bababa sa 50 opisyal at empleyado ng Bureau of Customs ang sisibakin sa puwesto ni Pangulong Duterte, kaugnay pa rin ng hindi paaawat na kampanya ng gobyerno laban sa kurapsiyon.

CORRUPT

Ito ang inihayag ngayong Huwebes ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, makaraang ipag-utos ng Presidente ang freezing sa ilang matataas na opisyal ng BoC, at ilang kawani, kaugnay ng pagkakasangkot umano ng mga ito sa kurapsiyon.

Sa press briefing kaninang umaga, sinabi ni Panelo na hindi bababa sa 50, pero hindi aabot sa 100 ang sisibakin ni Duterte sa Customs.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

“From what I gather mga 72 yata ang tatanggalin niya, or ang facing administrative charges. Ganoon karami, either 72 or 62, hindi ko na malaman eksakto,” sabi ni Panelo.

“Basta marami. Mahigit singkuwenta, less than 100... Ganoon karami ang involved sa corruption,” dagdag niya.

Nitong Miyerkules, sinabi ni Panelo na isasapubliko mismo ni Pangulong Duterte ang mga pangalan ng mga opisyal at empleyado ng kawanihan na “frozen” sa ngayon.

“The President has directed the freezing of several high-ranking Customs officials and employees, whose names would be disclosed at the appropriate time, as they face administrative and criminal charges, for unlawful activities,” ani Panelo.

Sinabi naman ni Panelo na tiyak namang papalitan sa puwesto ang mga sisibaking sa BoC, upang masigurong magpapatuloy ang operasyon ng kawanihan.

Nitong weekend, sinabi ni Duterte na mas marami pa siyang tatanggalin sa Customs dahil sa pagkakadawit sa kurapsiyon.

Nitong Lunes, sinabi ng Pangulo na hindi bababa sa apat na katao ang tiyak na sisibakin niya sa kawanihan.

Nilinaw naman ni Panelo ngayong Huwebes na hindi kabilang sa mga sisibakin si Customs Commissioner Rey Guerrero, dahil patuloy na pinagtitiwalaan ng Presidente ang opisyal.

-Argyl Cyrus B. Geducos