Gutom ang nagtulak sa puganteng security guard para lumabas sa kanyang pinagtataguan, limang araw matapos nitong barilin at mapatay ang 15-anyos na lalaki sa loob ng isang classroom sa Calamba City, Laguna.
Ilang lokal na residente ang nakakita kay Renando Calderama habang naglalakad sa riles ng Philippine National Railways, at agad na nagsumbong sa pulisya.
Ayon kay Col. Eleazar Matta, direktor ng Laguna Provincial Police Office, alas kuwatro ng madaling-araw, naaresto si Calderama sa Barangay Bucal, Calamba City.
Si Calderama ang itinuturong bumaril sa Grade 7 student habang nasa loob ng classroom sa Castor Alviar National High School, Calamba City nitong Hulyo 4.
Isinugod pa ang biktima sa pagamutan ngunit namatay rin.
Napaulat na magkasamang maninirahan si Calderama at ang biktima na umano’y magkarelasyon. Hindi naman malinaw kung bakit nito binaril ang biktima.
Sa interogasyon, sinabi ni Calderama na nagtago siya matapos ang krimen sa bundok na bahagi ng Calamba City.
"Initial interview with him revealed that for the last five days, he stayed in the hilly portion of Barangay Masili and would go to the lakeside of Laguna de Bay just to drink water" ani Matta.
"His hunger forced him to go down to look for food,” dadag pa niya.
Nakuha sa suspek ang isang backpack na naglalaman ng isang revolver na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay.
"We are preparing illegal possession of firearms charge against the suspect and will strengthen the murder charge against him in relation to the killing which he was allegedly involved," ayon kay Matta.
-Nina Aaron Recuenco at Fer Taboy