Patay ang isang 63-anyos na babae habang sugatan naman ang kanIyang 73-anyos na asawa matapos silang mabangga ng isang motorsiklo habang tumatawid sa isang pedestrian lane sa harap ng Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City.
Kinilala ng mga awtoridad ang nasawing biktima sa alyas na "Rosita," habang ang kaniyang asawa na si "Genaro" ay patuloy na ginagamot sa ospital dahil sa mga tinamong pinsala.
Batay sa imbestigasyon ng Bacolod Traffic Management Unit, kagagaling lamang ng mag-asawa sa ospital at nasa kalagitnaan na sila ng pagtawid sa pedestrian lane nang salpukin ng isang motorsiklo.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang babae at malakas na tumama ang kaniyang ulo sa sementadong kalsada, na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.
Nasugatan din sa insidente ang 24-anyos na rider ng motorsiklo, na kinilalang si alyas "Zyrll," gayundin ang kaniyang angkas. Kapwa sila isinugod sa ospital upang malapatan ng lunas.
Sa paunang imbestigasyon, hinihinalang nakainom ng alak ang rider bago ang aksidente. Ayon sa mga saksi, may dala pa umano silang bote ng alak nang mangyari ang insidente.
Kinumpirma rin ng mga opisyal ng barangay na ang rider ay kasalukuyang nagsisilbing Sangguniang Kabataan (SK) secretary sa kanilang lugar.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang iba pang detalye ng insidente, kabilang ang resulta ng isinasagawang pagsusuri sa rider at ang posibleng mga kasong maaaring isampa kaugnay ng nangyaring aksidente.