Lalo pang bumaba ngayong Martes ang tubig ng Angat Dam.

(EPA-EFE/FRANCIS R. MALASIG)

(EPA-EFE/FRANCIS R. MALASIG)

Ayon sa pagmo-monitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration’s (PAGASA), ngayong Martes ng umaga ay bumaba pa sa 160.58 metro ang water level, 0.43 metrong mas mababa sa 161.01 metro nitong Lunes.

Ibig sabihin, muli na namang dumidikit sa 160-metrong critical level ang tubig sa Angat Dam.

National

Isang Davaoeño, kumubra ng kalahati ng ₱22.4M Super Lotto 6/49 Jackpot

Sinabi naman ni Sevillo David Jr., executive director ng National Water Resources Board (NWRB), pinapanatili nila ang 36 cubic meters per second (cms) na water allocation para sa Hulyo. Ito ang ipamamahagi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Maynilad at Manila Water.

Ang kasalukuyang water level sa Angat ay malayo pa sa minimum operating water level na 180 metro, at normal high water level kapag tag-ulan na 210 metro.

Ayon pa kay David, kapag naabot na ng Angat ang 180-meter mark, maaaring itaas na muli ng NWRB ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila sa normal level na 48 cms.

Samantala, patuloy pa ring umiiral sa extreme portion ng Northern Luzon ang mahinang habagat hanggang ngayong Martes, ayon kay PAGASA weather specialist Meno Mendoza.

Inaasahan namang sa mga susunod na araw ay magiging mainit sa Metro Manila, pero magkakaroon ng panaka-nakang pag-ulan sa tanghali at gabi.

Ayon kay Mendoza, hindi nakikita ng PAG-ASA na may mabubuong low pressure area o bagyo sa susunod na dalawa o tatlong araw.

-Ellalyn De Vera-Ruiz