Patay ang isang sundalo matapos umanong aksidenteng mabaril ng babaing kasama nito sa isang hotel sa Catbalogan City, Samar nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ni Catbalogan City Police chief, Major Romelito Sorila, ang biktima na si Private 1st Class (Pfc) Camelo Batoctoy, 31, may-asawa, nakatalaga sa 8th Infantry Division (ID) Band Company sa Camp Lukban, Bgy. Maulong.
Sa imbestigasyon, duguan ang bangkay ni Batoctoy nang madiskubre ito sa isang kuwarto ng hotel.
Sinabi ng pulisya, nag-check-in si Batoctoy sa nasabing hotel, kasama ang isang 18-anyos na babae, nitong Linggo, dakong 3:00 ng madaling araw.
"The two have just met in a disco bar, left together and checked in at the hotel at around 3:00 am of July 7, 2019," sabi ni Sorila.
Nang paalis na ang babae ay hindi pinayagan ni Batoctoy na agad umanong nagbunot ng baril bago hinatak ang mga kamay nito, dakong 6:20 ng umaga.
Dahil dito, nag-agawan ang dalawa sa nasabing baril hanggang sa pumutok at tinamaan sa mukha ang biktima na sanhi ng ikinamatay nito.
Pagkatapos ng krimen, kaagad na humingi ng tulong ang babae sa mga kawani ng hotel.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang babae at isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon.
-Marie Tonette Marticio