“RETIRED na ako sa ABS (CBN), four years ago. Talent na lang ako.”
Ito ang naging paglilinaw sa amin ng mahusay na TV and radio anchor na si Niña Corpuz, nang makatsikahan namin siya nang solo sa pocket interview kamakailan para sa “Interes ng Pamilyang Pilipino, Isinusulong ng DZMM”, para sa ika-65 taon ng network.
“Sobrang thankful nga ako kasi kinuha pa rin nila ako rito sa Good Vibes,” sabi ni Niña, tinukoy ang radio program niya sa DZMM.
Nagsimula sa pagiging entertainment reporter si Niña sa TV Patrol, hanggang sa nalipat ng beat at naging TV at radio anchor. Ang huling programa niya ay ang Magandang Gabi Doc, na umabot ng 10 years at pagkatapos ay saka siya nag-early retirement.
“Kasi nagkasunud-sunod ang anak ko. Maliliit pa sila, kaya kailangan ko silang alagaan. Working din naman ang husband ko, so ako, need ko ng mas maraming oras sa mga bata,” paliwanag ni Niña tungkol sa napaaga niyang pagreretiro.
Natanong kasi namin si Niña kung bakit Good Vibes na lang ang programa niya sa radyo, at hindi na rin namin siya napapanood sa news program ng ABS-CBN, kaya nilinaw niya sa amin na retired na siya.
Nanghinayang kami para kay Niña, dahil sa edad niyang 42 ay masyado pang maaga para magretiro siya. Nakatitiyak kami na marami pa siyang puwedeng gawin at i-contribute, pero ‘pag pamilya na ang pinag-uusapan tapos na ang usapan.
“Actually marami pa akong ginagawa rin, kasi after our Good Vibes program, may mga on-the-side business din naman ako. So busy pa rin. ‘Yun lang, hawak ko ang oras ko,” kuwento ni Niña sa amin.
Kung tama ang tanda namin ay inumpisahan na niya ang kanyang clothing business two years ago, at siya rin ang designer. Sa katunayan, maraming beses na siyang naiimbitahan sa mga fashion show para sa kanyang latest designs.
“Accidental designer tawag sa akin,” natawang sabi ni Niña.
Anyway, isa si Niña sa napapakinggan sa Good Vibes simula Lunes hanggang Biyernes, 1:00 ng hapon, sa DZMM.
Kasama naman niya si Dra. Luisa Ticzon-Puyat tuwing Miyerkules at Huwebes, at si Papa Ahwel Paz naman tuwing Biyernes.
Say ni Niña, “Naniniwala kami na nagsisimula ang tagumpay ng bansa kapag malusog ang bawat Pilipino. Kaya may segment kami kung saan nakapagbibigay ng libreng konsultasyon ang magagaling na doktor, lalo na sa mga kababayan natin sa malalayong lugar.”
Mapapakinggan at mapapanood ang Good Vibes online, sa audio streaming sa dzmm.com.ph, at livestreaming sa iWant.
Para sa balita, sundan ang @DZMMTeleRadyo sa Facebook at Twitter o pumunta sa dzmm.com.ph o. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa abscbnpr.com.
-Reggee Bonoan