Sinibak na sa puwesto ni NCRPO Director Major Gen. Guillermo Eleazar ang isang pulis-San Juan, na nag-viral ang video habang kinukumpronta ang lalaking “nasapawan” siya sa pagbili sa karinderya, nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay Eleazar, sinibak niya sa puwesto si SMS Arnulfo Ardales, na nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 3, ng San Juan City Police, dahil sa misconduct.
“The viral video in San Juan City on abusive police, pina-relieve ko na sa PCP-3 of San Juan. Lipat na muna sya sa District Headquarters Support Unit (DHSU) ng EPD (Eastern Police District) while being investigated,” sinabi ni Eleazar ngayong Linggo.
Sa nag-viral na video, makikita si Ardales na kinukumpronta si Aaron Estrada, 21, sa loob ng isang karinderya sa Aurora Boulevard, kanto ng R. Lagmay Street sa Barangay Ermitaño, San Juan, dakong 11:00 ng gabi nitong Sabado.
Batay sa video, hindi nagustuhan ni Ardales na habang bumibili siya sa nasabing karinderya ay pumasok si Estrada at dumukwang sa tindahan upang bumili rin ng pagkain.
Kaagad na sinita at pinagsalitaan ng pulis ang biktima dahil na-“sapawan” daw siya nito.
Pinagmumura, dinuro at pinagbantaan pa ng suspek na aarestuhin at mamarkahan si Estrada.
Sa huli, matapos mag-sorry si Estrada ay hindi na bumili at galit na umalis na lang si Ardales.
Lingid sa kaalaman ng pulis, may naka-video sa kanyang ginawa, na kaagad namang nag-viral, hanggang sa nakaabot sa kaalaman ng NCRPO chief.
Kaugnay nito, hinikayat ni Eleazar ang publiko na tulungan ang Philippine National Police (PNP) sa pagtukoy sa mga abusadong alagad ng batas, at huwag matakot na magreklamo, upang magawan nila ng kaukulang aksiyon ito.
-Mary Ann Santiago