Ipinagbabawal na ang paggamit ng cellphone habang naglalakad at tumatawid sa mga kalsada sa Baguio City.

Ito ay nang maglabas ng isang resolusyon ang konseho ng lungsod na ang layunin ay maisulong ang kaligtasan ng mga mananakay sa kanilang lugar.
Kabilang sa ipinagbabawal ang pagtetext o pagbabasa ng text messages, at pagbabasa ng anumang impormasyon habang tumatawid sa mga lansangan o pedestrian lane.
Ipinaliwanag sa resolusyon na nakaaabala sa iba pang gumagamit ng kalsada ang mabagal na paglalakad ng mga pedestrian dahil nakatuon ang kanilang pansin sa mga gadget na posible ring humantong sa aksidente.
Sa unang paglabag, pagsasabihan lamang ang mga ito, multa naman na aabot sa P1,000.00 para sa ikalawang paglabag o community service; at sa ikatlong paglabag ay multang P2,000 o community service o isa hanggang 10 araw na pagkakakulong at may katumbas naman na multang P2,500 at community service o pagkakakulong ng 11 hanggang 30 araw sa ikaapat na paglabag.
-Rizaldy Comanda