Isasara ang bahagi ng southbound lane ng Roxas Boulevard bukas ng umaga para sa 9th Manila Bay Clean-up Run.

Batay sa traffic advisory na inilabas ngayong Sabado ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na simula 3:00 ng umaga hanggang 7:00 ng umaga ay sarado ang southbound lane ng Roxas Boulevard, mula sa Katigbak Drive hanggang P. Ocampo Street.

Upang makaiwas naman sa posibleng pagsisikip ng trapiko, pinayuhan ng MDTEU ang lahat ng manggagaling sa Bonifacio Drive at dadaan sa southbound lane ng Roxas Boulevard, na kumaliwa sa P. Burgos Avenue papunta sa kanilang destinasyon.

Ang mga manggagaling naman sa mga tulay ng Jones, McArthur, at Quezon, na dadaan sa southbound lane ng Roxas Boulevard, ay dapat na dumiretso sa Taft Avenue; habang ang dadaan sa westbound lane ng P. Burgos ay pinakakanan sa eastbound lane ng P. Burgos.

Probinsya

Lalaking nabokya sa E-Bingo, nag-amok at nagnakaw sa pasugalan

Ang mga dadaan sa westbound lane ng TM Kalaw, papuntang Roxas Boulevard, ay pinakakaliwa sa MH del Pilar Street; habang pinakakaliwa rin sa MH Del Pilar, o pinadadaan sa service road ng Roxas Boulevard, ang mga dadaan sa westbound lane ng UN Avenue.

Samantala, ang mga dadaan sa westbound lane ng Pres. Quirino Avenue, na papasok sa southbound lane ng Roxas Boulevard, ay dapat kumaliwa sa Adriatico Street; habang ang mga dadaan sa westbound lane ng P. Ocampo, at dadaan sa southbound lane of Roxas Boulevard, ay pinakakaliwa sa FB Harrison Street.

Ang mga pupunta at lalabas sa Manila Ocean Park/H20 Hotel at Manila Hotel ay dapat na dumaan sa Katigbak Drive bilang access road.

Mary Ann Santiago